Isang linggo munang magse-self-isolation si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. matapos magpositibo sa coronavirus disease 2019 (Covid-19).

Ito ang inihayag ni Department of Health (DOH) Undersecretary Maria Rosario Vergeire alinsunod na rin sa protocol.

Sinabi nito na sa pagkatapos ng pitong araw kapag wala nang nararamdamang sintomas ang Pangulo ay pwede na itong bumalik sa trabaho.

Ipinaliwanag ni Vergeire na base sa protocol kung ang isang indibidwal ay may sintomas, sapat na ang antigen test at kailangan na lamang itong i-monitor.

Gayunpaman, prerogative aniya ng Pangulo kung ipapayo ng kanyang doktor na sumailalim pa ito sa Reverse Transcription-Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) test.

Nitong Biyernes ng umaga, kinumpirma ni Press Secretary Trixie Cruz Angeles na nagpositibo sa virus ang Pangulo.

Pinayuhan na ng Presidential Management Staff (PMS) ang mga nakasalamuha ni Marcos na bantayan ang kanilang sarili laban sa sintomas ng Covid 19 bilang bahagi ng protocol.