Sa isang episode ng “Magandang Buhay” kamakailan ay ibinahagi ni Judy Ann Santos ang dahilan ng pansamantalang pagtigil ng kaniyang cooking series sa YouTube.

Pinakabagong guest host ngayon si Judy Ann sa nasabing morning show kung saan agad nitong ipinamalas ang kaniyang cooking skills noong Lunes, Hulyo 4.

Kasama nina Momshie Jolina at Melai, game na game si Judy Ann na ibahagi ang kaniyang Tinapa Rolls recipe.

Dito natanong si Judy Ann ukol sa kaniyang sa halos anim na buwan nang hindi aktibong Judy Ann’s Kitchen sa YouTube.

Tsika at Intriga

JC De Vera, na-offend sa 'biro' ni Alex Gonzaga

Sobrang busy nga ba si Juday? Tanong ng kaniyang masugid na subscribers.

“Hindi naman sobrang busy. Ang hirap kasing mag-isip ng episodes especially kung ang pagtaas ng presyo ng bilihin ay napakalala. Ayokong ‘di makarelate ‘yong viewers sa kung anumang lutuin ang gagawin ko kasi napaka-unfair naman ‘di ba,” may simpatyang sabi ng aktres.

Kasalukuyang nararamdaman ang nasa 6 percent na inflation rate sa bansa dahilan para magtaas ang ilang pangunahing produkto kabilang ang ilang sangkap sa mga paboritong kitchen recipes.

Noong Enero 29 pa huling nagbahagi ng recipe si Juday sa kaniyang patok na YouTube channel.

“So tuma-timing lang naman ako. Ayoko lang na masabihan ako na, “Luto ka nang luto tapos ‘di naman naming magagawa ‘yan. Hindi naman ako pumapatol pero after lang ako dun sa reality ba,” dagdag ng aktres.

Gayunpaman, inaasahan pa rin ng aktres ang pagbabalik ng kaniyang recipes sa channel na kasalukuyan nang mayroong 1.67-M subscribers.

“Eventually, gagawa [pero] gumagawa ako ng episodes ng Judy Ann’s kitchen ‘pag nabuo ko ‘yong sarili ko. ‘Yung gusto ko siya, inspired ako,” ani Juday habang ipinuntong ayaw rin niyang tratuhin ito bilang trabaho.