Sisimulan na ng Sandiganbayan ang pre-trial sa kasong may kaugnayan sa umano'y ill-gotten wealth ng namayapang dating presidente na si Ferdinand Marcos.

Itinakda ng 2nd Division ng anti-graft court ang pretrial sa Agosto 5 kaugnay ng civil case na kinakaharap ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.. Inaasahang isasagawa naman ang pre-marking of evidence sa Agosto 4.

Ang naturang Civil Case na isinampa laban sa mga akusadong sina Imelda at Marcos, Jr. noong 1987 ay may layuning mabawi ang umano’y ill-gotten wealth o ari-ariang umano’y nabili ng mag-asawng Marcos, gamit ang pondo ng gobyerno.

Nitong Hunyo ng taon, iniutos ng hukuman sa pamilya Marcos na magsumite ng ebidensya kaugnay ng naturang kaso na ilang dekada nang nililitis ng korte.

Nauna nang hiniling ng abogado ni Marcos, Jr. na si Manuel Plaza sa hukuman na bigyan pa sila ng 60 araw  na deadline upang makapagharap ng ebidensya.

Gayunman, hinarang ito ni 2nd Division chairperson Oscar Herrera at sinabing masyado nang mahaba ang naturang panahon.

“We assume that you studied it already, the precedent dates back to as early as 2020,” banggit ni Herrera.

Kabilang din sa akusado sa kaso sina Modesto Enriquez, Trinidad Diaz Enriquez, Rebecco Panlilio, Erlinda Enriquez-Panlilio, Leandro Enriquez, Roman Cruz, Jr. at Gregorio Castillo.