Hindi umano pabor si incoming Senate President Juan Miguel Zubiri na palitan ang pangalan ng "Ninoy Aquino International Airport" at gawin itong "Ferdinand E. Marcos International Airport" ayon sa panukalang-batas na inihain ng isang solon.

Mas pabor umano si Zubiri na ibalik na lamang sa Manila International Airport, o orihinal na pangalan nito, upang matapos na ang mga kontrobersiya, kaysa sa panukala ni Negros Oriental Representative Arnolfo Teves, Jr.

"Ako mas pabor pa na gawin nating Manila International Airport. Ibalik na lang natin sa original name if no one will agree on a particular family name kasi siyempre, yellow against red na naman 'yan, eh di neutral na lang tayo," aniya sa panayam.

Bagama't nagsabi na siya ng pagtutol dito, nasa discretion pa rin umano ito ng kaniyang mga kasamahan.

Nilinaw niyang hindi mapipigilan ang mga mambabatas na maghain ng mga panukalang-batas dahil ito naman ang kanilang trabaho. Subalit lahat naman aniya ay dumaraan sa proseso at mga pagdinig.

"We cannot prevent them, that is their right. Kaya nga may committee hearings, may proseso 'yan para ma-correct natin inefficiencies. Kaya po yung mga ridiculous na bills na binanggit ko, we have no right to stop anyone from filing a measure," aniya.

Noong 1987, sa pamamagitan ng Republic Act No. 6639, napalitan umano ang pangalan ng Manila International Airport sa Ninoy Aquino International Airport, sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Corazon Aquino, bilang pag-alala sa asasinasyon sa pamamagitan ng pagbaril kay dating Senador Ninoy Aquino sa naturang paliparan.