Nadagdagan na naman ng halos 1,200 ang bilang ng kaso ng coronavirus disease 2019 (Covid-19) sa bansa nitong Miyerkules.

Ito ang kinumpirma ng Department of Health (DOH) at sinabing umabot na sa 3,711,268 ang kabuuang kaso ng sakit sa Pilipinas sa pagkakadagdag ng 1,198 na bagong nahawaan.

Mula sa dating 10,032 nitong Martes, umakyat naman sa 10,323 ang aktibong kaso ng sakit nitong Hulyo 6.

Sa pagbabantay ng ahensya, nakitaan pa rin ng pagtaas ng kaso sa National Capital Region (NCR), Calabarzon (Region 4A), Western Visayas, Central Luzon, at Central Visayas.

Lumobo rin sa 3,640,323 ang bilang ng nakarekober sa sakit sa bansa habang ang bilang ng binawian ng buhay ay umabot sa 60,622.

Panawagan pa rin ng DOH, pairalin pa rin ang safety at health protocols upang hindi na lumaganap nang husto ng Covid-19