Chill lang ang estudyanteng si John Calvin Dela Paz habang tila sumanib si Chito Miranda, Gloc 9, at Francis Magalona nang manihin lang nito ang buong komplikadong rap verses ng sikat na “Bagsakan” ng Parokya ni Edgar.
Pinabilib ng estudyante mula Pasig ang maraming netizens matapos mag-viral ang street cover nito ng “Bagsakan” ng sikat na OPM collaboration.
Sa ini-upload na video ni Kim Baltazar Fernandez noong Linggo, Hulyo 3, makikitang nakahubad pa’t tila nasa labas ng kanilang kanto si John Calvin habang kinakanta ni John Calvin ang sikat na rap song.
Makikita pa ang ilang dumaraang motorista at kotse ilang segundo lang bago simulan ng binatilyo ang kaniyang street performance sa gilid ng kalsada.
Sunod na nakamamanghang bumanat na ito ng kaniyang malinaw at tila walang ka-effort-effort na abilidad sa pag-rap.
Ang karaniwang mahirap na rap song para sa ilan ay minani lang ng binatilyo. Kumasa rin ang estudyante sa ilang English verses ni Francis M sa kanta at sa mas mabilis na rap verses ni Gloc 9 sa dulo ng kanta.
Chill na chill pa itong nakikipagkulitan sa ilan niyang audience, at sa mga dumaraang motorista na makikitang nag-e-enjoy din sa malupit ng street cover.
Dahil sa nakakabibilib na talento ni John Calvin, agad na nag-viral ang video ng binatilyo na hinangaan ng libu-libong netizens.
Sa pag-uulat, tumabo na ng mahigit 4.7-M views ang naturang video at nakakuha na rin ito ng mahigit 177,000 reactions.
Parehong pinuri ng netizens ang talento ng binatilyo at ang likas na katangian ng Pinoy na maghatid ng saya sa iba’t ibang pamamaraan.