CAMP OLA, Albay – Natagpuang patay ang isang babae at ang kanyang live-in partner kasunod ng mainitang pagtatalo nitong Martes, Hulyo 5, sa loob ng kanilang kwarto sa kanilang tirahan sa Barangay San Roque, Calabanga, Camarines Sur.

Kinilala ni Police Major Malu Calubaquib, tagapagsalita ng Police Regional Office (PRO)-5, ang mga biktima na sina Shiela, 44, at Noel, 35.

Nakahandusay ang mga biktima na wala nang buhay sa kanilang kwarto nang madiskubre ng mga rumespondeng pulis.

Sinabi ni Calubaquib na si Shiela ay nagtamo ng strangulation mark sa kanyang leeg habang si Noel ay may slash wound sa kanyang leeg.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Bago ang pagkakadiskubre sa mga bangkay ng mga biktima, humingi ng tulong ang ama ni Noel sa Calabanga Municipal Police Station (MPS) hinggil sa mainit na pagtatalo sa pagitan ng dalawang biktima.

“Upon arrival at the residence of the victims, the door of the live-in partners’ bedroom was locked and when responding police opened it, they discovered the victims were already dead. Immediately, Calabanga MPS sought the assistance of the Scene-of-the-Crime Operatives (SOCO),” sabi ni Calubaquib.

Sa inisyal na pagsusuri sa mga bangkay, may nakitang strangulation mark mula sa electrical cord sa leeg ni Shiela at isang slash wound sa leeg ni Noel.

Narekober ng pulisya ang isang kitchen knife na may mga mantsa ng dugo malapit sa katawan ni Shiela, ayon kay Calubaquib.