Iniulat ng Department of Health (DOH) nitong Martes ng gabi na nakatukoy pa ng gobyerno ng 70 kaso ng mas nakahahawang Omicron subvariants na BA.4, BA.5, at BA2.12.1.
Sa naturang bilang, 43 ang BA.5 cases, kabilang ang 42 local cases at isang returning overseas Filipino (ROF). Lima sa mga bagong kaso ang mula sa Region 1; pito mula sa Region 4-A; tig-isa mula sa Regions 4-B, 5, 7, 8, 10 at Cordillera Autonomous Region, dalawa mula sa Region VI, at 21 mula sa National Capital Region (NCR).
May pito rin namang bagong BA.4 cases ang natukoy, na pawang local cases. Sa naturang bilang, anim ang mula sa Region 5 at isa ang mula sa NCR.
Sinabi ng DOH, nakapagtala pa sila ng 20 BA.2.12.1 cases, kabilang ang 16 na local cases at apat na ROFs. Sa naturang bilang, apat ang mula sa Region 4-A; apat mula sa Region 6, isa ang mula sa Region 1; dalawa ang mula sa CAR, at lima ang mula sa NCR.
Kabuuang 190 kaso ng Omicron variant of concern (VOC) ang naitala rin mula sa kanilang pinakahuling whole genome sequencing run, na isinagawa mula Hunyo 29 hanggang Hulyo 4.
Nasa 120 kaso ang mayroong ibang omicron sublineages, habang ang 21 iba pang sample ay walang naka-assign na lineage.
Mula sa naturang 190 Omicron VOC cases, 185 ang local at lima ang ROFs.
Bunsod ng mga naturang bagong kaso, ang kabuuang bilang ng mga kumpirmadong Omicron cases sa buong bansa ay nasa 7,919 na.
Kaugnay nito, sinabi naman ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire na wala silang naitatalang namatay sa mga kaso ng Omicron sub-variants sa bansa.