Wala pang desisyon ang Philippine National Police (PNP) kung bibigyan nito ng legal assistance ang 22 na pulis na isinasangkot sa pagkamatay ng walong preso sa New Bilibid Prison (NBP) kamakailan.
“Inaantay lang namin 'yung formal report. Wala pa namang mga pangalan na nakarating sa amin,” paliwanag ni PNP Director for Operations Maj. Gen. Valeriano De Leon nang kapanayamin sa Camp Crame nitong Miyerkules.
Inilabas ng heneral ang reaksyon nang kasuhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang 22 na pulis na dating nakatalaga sa Bureau of Corrections (BuCor) nang maganap ang sinasabing pagkamatay ng mga nasabing preso.
Sa naging pahayag ng BuCor, ang walong preso ay binawian ng buhay sa coronavirus disease 2019 (Covid-19).
Kinontra ito ng NBI na nagsabing nakitaan nila ng irregularidad sa medical at health records ng mga ito.
Gayunman, ipinaliwanag ni de Leon na makakakuha ng legal assistance ang mga pulis na inaasunto sa pagganap ng kanilang tungkulin.
Paniniyak naman ni de Leon, isasailalim nila sarestrictive custody ang mga nabanggit na pulis kung matibay ang ebidensyang nagdidiin sa mga ito.
Kamakailan, inihayag ng NBI na naniniwala silang ginamit ng mga pulis ang pandemya ng Covid-19 upang pagtakpan ang kuwestiyunablengpagkamatay ng mga preso.