ATOK, Benguet – Patay ang isang pasahero habang tatlo ang bahagyang nasugatan matapos mahulugan ng malaking tipak ng bato ang kanilang sasakyan noong Lunes, Hulyo 4, sa Halsema Highway, Barangay Cattubo, Atok, Benguet.
Kinilala ng Atok Municipal Police Station, ang namatay na si Richardick Amoy Cayacay, 52, ng Poblacion, Tadian, Mt. Province; samantala ang nagalusan ay sina Manuel Jr Lictao Ubongen, 54, drayber at residente ng 113 Camp 8, Kennon Road, Baguio City; Susan Cayacay Ubongen, 59 ng Camp 8, Kennon Road, Baguio City at isang 15 taong gulang na estudyante ng Camp 8, Kennon Road, Baguio City.
Ayon sa pulisya, naganap ang aksidente dakong 1:40 ng hapon at nai-report dakong 2:45 ng hapon.
Sa imbestigasyon, ang biktima ay sakay ng Tamaraw FX na may plakang WEN 733 ay papadaan sa Halsema Highway patungong La Trinidad, Benguet.
Hindi umano namalayan ang gumugulong na malaking tipak ng bato mula sa bundok na tumama sa gilid ng sasakyan.
Agad na tumulong ang ilang residente at dumadaang sasakyan at isinugod sa Atok District Hospital ang mga biktima, subalit idineklarang dead on arrival si Richardick ng attending physician na si Dr. Rajiv D Laoagan, samantalang agad na ginamot ang natamong sugat ng nakaligtas sa trahedya.