Kahit na isa sa mga anak ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., umaasa ang bagong 1st District of Ilocos Norte Representative na si Sandro Marcos na itatrato siyang kapantay ng mga kasamahang solon sa Kongreso at walang special treatment.

Ayon sa panayam sa kaniya nitong Hulyo 4, sa pangalawang araw ng executive course on legislation para sa mga bagong miyembro ng 19th Congress, natanong ang mambabatas kung paano ang pagtrato sa kaniya ng mga kapwa mambabatas gayong batid naman ng lahat na anak siya ni PBBM.

"I don’t think so. Noong may konting dinner… noong nag-dinner ako, sinabi ko naman sa karamihan ng mga congressman na sana they treat me just as their equal," aniya.

“I understand naman that being the presidential son puts me in this unique situation as well as being a representative of Ilocos Norte."

National

Romina, patuloy na kumikilos patungong Southern Kalayaan Islands

Biro pa nga raw ni Sandro, kung dati ay tagatimpla siya ng kape at gumagawa ng clerical work, puwedeng-puwede niya pa ring gawin ito ngayon.

“Kaya ang biro ko sa kanila, eh noon, ako ang gumagawa ng kape nila, ako gumagawa ng bills, ako nag-aayos ng kung ano-anong batas. Eh kahit congressman ako, ako pa rin gagawa ng kape nila," aniya.

Karamihan daw sa mga staff sa Kongreso ay nakilala na niya, lalo na noong nagtrabaho siya para sa tiyuhing si majority leader at incoming House Speaker Martin Romualdez. Ang Representative din ng 1st District ng Leyte ang nagsilbing mentor niya bago pasukin ang kandidatura sa pagka-kongresista.