Isang nakapanlulumong aksidente ang naganap sa Dumaguete Ceres Bus Terminal, Hulyo 5, matapos araruhin ng isang gagaraheng bus ang mga pasaherong nakaupo lamang sa harapan ng terminal.
Sa kuhang CCTV footage, makikitang kampanteng nakaupo ang ilang mga pasahero sa bakal na bench na nagsisilbing waiting area sa paparating na pampasaherong bus.
Maya-maya, dumating na ang isang bus subalit sa halip na huminto sa hangganan ay dumiretso ito sa kanila.
Isang netizen naman na nagngangalang Jeka Dela Cerna ang nakasaksi sa mga pangyayari at inupload ito sa kaniyang Facebook post. Makikita sa kaniyang ibinahaging video at litrato na sinisikap ng mga concerned citizen at awtoridad na mabuhat ang bukana ng bus upang mailigtas ang mga nadaganan ng unahang bahagi nito.
"Padung park ng bus for Bayawan peru na overspeed sa driver. Na daro ag mga tawo galingkod sa waiting area thankfully ag mga bata nakadagan pa peru ag mga laki sa front seat moy wana kalihuk (A bus who is about to park accidentally overdrive and mowed the passengers at the waiting area. Thankfully yung mga bata nakatakbo pa pero yung mga lalaki na nasa unahan nakaupo hindi na nakagalaw dala na rin sa dami at bigat na mga gamit nila), aniya.
"Wala pong namatay. Yung dalawang lalaki injured sa paa, may isa ring bata na lalaki mild injury lang," kuwento pa ng saksing si Dela Cerna sa panayam ng Balita Online.
Habang isinusulat ang balitang ito, wala pang kumpirmasyon mula sa mga awtoridad hinggil sa kalagayan ngayon ng mga nadaganang pasahero sa naturang bus.