Nagbigay na rin ng kaniyang reaksiyon at komento ang dating Pinoy Big Brother housemate at ngayon ay actress-dancer na si Dawn Chang tungkol sa isyu ng kasaysayan.
Ayon sa kaniyang tweet noong Hulyo 3, mahirap umanong maging pag-asa ng bayan kung isasantabi ang pag-aaral ng kasaysayan. Bilang mga Pilipino raw ay responsibilidad ng bawat isa na tulungan ang kaniyang kapwa-Pilipino na matuto ang mga ito sa naidulot ng nakaraan.
"Mahirap maging pag-asa ng bayan, kung ang ating kasaysayan ay sadyang kakalimutan. As Filipinos, we need to collectively help each other learn the lessons from the past, so we can have a better future ahead," aniya.
Kaya ang dapat daw gawin, "Bago magsalita, mag-aral ng kasaysayan, para may tamang ambag sa lipunan."
Hanggang ngayon ay mainit na isyu pa rin at pinagmumulan ng iba't ibang argumento ang naging kontrobersiyal na pahayag ni Ella Cruz tungkol sa kasaysayan, na inihalintulad niya sa "chismis".
"History is like chismis. It is filtered and dagdag na rin, so, hindi natin alam what is the real history. Andoon na iyong idea, pero may mga bias talaga… As long as we're here alive at may kanya-kanyang opinion, I respect everyone's opinion," saad ng actress-dancer sa kung ano ang natutuhan niya habang ginagawa ang pelikulang 'Maid in Malacañang'.
Naging trending sa Twitter ang pangalan ni Ella Cruz dahil sa kaliwa't kanang batikos na natanggap niya dahil dito. Nagbigay na rin ng saloobin dito ang mga historyador at kapwa celebrities.