Tumaas pa ng 60% ang daily average ng mga bagong kaso ng COVID-19 sa bansa at umaabot na ngayon sa 1,057 ngayong linggong ito.
Sa weekly COVID-19 update ng Department of Health (DOH) nitong Lunes, nabatid na mula Hunyo 27 hanggang Hulyo 3, nakapagtala ang Pilipinas ng 7,398 na bagong kaso ng COVID-19.
“Ang average na bilang ng bagong kaso kada araw ngayong linggo ay nasa 1,057, mas mataas ng 60 percent kung ikukumpara sa mga kaso noong Hunyo 20 hanggang 26,” anang DOH.
Nabatid na sa mga bagong kaso, 19 ang may malubha at kritikal na karamdaman.
Mayroon rin namang naitalang 74 na pumanaw at wala sa mga ito ang naganap noong Hunyo 20 hanggang Hulyo 3.
“Noong ika-3 ng Hulyo 2022, mayroong 497 na malubha at kritikal na pasyente na naka-admit sa ating mga ospital dahil sa COVID-19. Sa 2,487 ICU beds para sa mga pasyenteng may COVID-19, 381 (15.3%) ang okupado. Samantala, 19.9% ng 21,791 non-ICU COVID-19 beds naman ang kasalukuyan ding ginagamit,” ayon pa sa DOH.
Samantala, iniulat rin naman ng DOH na mahigit na sa 70 milyong indibidwal o 78.64% ng target na populasyon ang bakunado na laban sa COVID-19 habang 15.1 milyong indibidwal naman ang nakatanggap na ng kanilang booster shots.
Nasa 6.7 milyon naman ang senior citizens o 77.66% ng target A2 population ang nakatanggap na rin ng kanilang primary series.
Patuloy namang pinapaalalalahan ng DOH ang lahat na huwag maging kampante sa banta ng COVID-19.
“Bagkus, dapat natin ipagpatuloy ang tamang pagsunod sa minimum public health standards sa ilalim ng Alert Level 1. Paalala ng Kagawaran ng Kalusugan na laging magsuot ng best-fitted face mask at kung maari, manatili sa well-ventilated na mga lugar. Sa oras na makaramdam ng sintomas, AGAD NA MAG-ISOLATE. Para sa karagdagang proteksyon laban sa banta ng COVID-19, agad-agaran na tayong magpabakuna at booster,” anito pa.
“Para sa karagdagang impormasyon, bisitahin ang aming website: www.doh.gov.ph/covid19tracker.”