Hindi maka-get over ang mga netizen sa eksenang ipinapasa ni 'Ramona', ang karakter ni dating ABS-CBN President at CEO Charo Santos-Concio, kay 'Cardo Dalisay' (Coco Martin) ang isang espada bilang simbolo ng pagpapasa ng responsibilidad upang pangunahan ang isang bagong kilusang lalaban sa kabuktutan ng pamahalaan, sa plot ng longest-running teleseryeng "FPJ's Ang Probinsyano."
"Ikaw ang nararapat na manguna sa panibagong kulisan tungo sa tunay na pagbabago," saad ni Ramona kay Cardo habang iniaabot ang espadang simbolo ng kanilang samahan.
Sa social media, kaagad naman itong nag-viral dahil tila hindi na raw matatapos ang naturang serye.
May mga nagbiro pang baka papunta na ito sa "Panday", ang sikat na pelikula at karakter na pinagbidahan din ni Da King Fernando Poe, Jr.
Gumawa na rin ng bersyon ng "Panday" si Coco bilang pelikulang lahok sa Metro Manila Film Festival o MMFF noong 2017.
"Hala ano 'yan, mula Probinsyano papuntang Panday na yata 'to? Long live, Cardo!" saad ng isang netizen.
"Magiging Panday na raw si Cardo hahaha, OMG," pahayag naman ng isa.
"Baka ang next project ni Cardo eh Panday hahahahaha," wika ng isa.
Samantala, matunog na ang bali-balitang talagang magtatapos na ang serye ngayong Hulyo, upang bigyang-daan ang pagpasok naman ng "Mars Ravelo's Darna: The TV Series".
Hindi pa rin malinaw kung ano ang susunod na proyekto ni Coco pagkatapos ng serye.