Panahon ng mga moving up at graduation ceremony ang Hunyo, at dahil isa ito sa mga di-malilimutang pagdiriwang sa buhay ng isang mag-aaral, mas makahulugan ito dahil matapos ang halos dalawang taong dulot ng pandemya ay napayagan na ang face-to-face na seremonya.

Kaya naman, marami sa mga netizen ang naantig sa kuwento ni Sheila Bartolaba Rebayla, 16 taong gulang, mula sa 1 Mapulog, Naawan, Misamis Oriental, matapos niyang puntahan ang amang si Leonardo Rebayla, isang construction worker, na hindi nakadalo sa kaniyang graduation ceremony dahil sa pagtatrabaho.

Sa halip na ikatampo ay naunawaan naman ito ni Sheila, kaya ang ginawa niya, siya na mismo ang nagpunta sa construction site upang ibida sa ama ang mga medalyang natanggap niya.

Marapat lamang daw na i-alay ang mga medalya at diploma sa kaniyang ama dahil sa mga sakripisyo at pagsisipag na ginagawa nito para sa kanilang pamilya.

Human-Interest

Pambato ng Pilipinas sa research competition sa Taiwan, waging first place

"Although I am aware that I still have a long way to go, I want to thank you for always being our pillar of strength, cheerleader, and staunchest ally," saad ni Sheila sa caption ng kaniyang Facebook post.

Ganoon na lamang umano ang gulat ni Mang Leo nang mamataan ang anak sa construction site, at isabit nito sa kaniyang leeg ang kaniyang mga medalya. Napayakap na lamang sa kaniya ang ama.

Mapalad na nakapanayam ng Balita Online si Sheila na isang Grade 10 student. Tatlong parangal ang natanggap niya sa kanilang moving up ceremony: Academic Excellence Award, General Excellence Award at Leadership Award.

Nagbigay naman siya ng mensahe sa mga kagaya niyang mag-aaral na nagpupursigeng makatapos ng pag-aaral at makapagtamo ng sapat na edukasyon.

"Fellow students, how can we ever thank our parents for giving us the financial and emotional assistance we require out of the kindness of their hearts? Being raised by our parents is not easy. We should honor and be thankful having them as our pillar of strength," aniya.

"Let's not overlook the challenges we overcame and the crucial life lessons we discovered while pursuing our study. Poverty is not the reason that we can't achieve our dreams," dagdag pa niya.