Inatasan na ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. ang Department of Transportation (DOTr) na ipagpatuloy at bilisan pa ang konstruksiyon ng mga proyektong pinasimulan ng nakalipas na administrasyong Duterte.
Ayon kay DOTr Undersecretary Cesar Chavez, kabilang sa mga naturang proyekto ay ang Metro Manila Subway, Metro Rail Transit Line 7 (MRT-7), Common Station at iba pa.
“Ang gusto rin ng ating Pangulo ay ituloy din ang magagandang programang nasimulan tulad ng subway. Ang kautusan lang ng ating Pangulo at Secretary Jaime Bautista ay bilisan ang completion ng mga project na ito,” ani Chavez, sa isang panayam sa telebisyon nitong Lunes.
Aniya, target ng DOTr na matapos ang MRT-7 mula North Avenue, Quezon City hanggang sa San Jose del Monte, Bulacan sa loob ng dalawa o tatlong taon.
Idinagdag pa niya na target nilang makumpleto ang Manila to Malolos train project sa pagitan ng 2024 hanggang 2025 habang sa taong ito naman aniya ay ipaiiral ang common station para sa Light Rail Transit Line 1 (LRT-1) at MRT-3.
Matatandaang isa sa mga legasiya ni Pang. Rodrigo Duterte ay ang kanyang Build, Build, Build Program na pinakikinabangan na ngayon ng mga mamamayan.