Iniulat ng independiyenteng OCTA Research Group nitong Lunes na nasa 1.5 na ang reproduction number ng COVID-19 sa National Capital Region (NCR).

Ang reproduction number ay tumutukoy sa bilang ng mga taong maaaring ihawa ng isang pasyente ng COVID-19.Ang reproduction number na mas mababa sa 1 ay indikasyon ng mabagal na hawaan ng virus.

Sa Laging Handa briefing, sinabi ni OCTA Research Fellow Dr. Guido David na ni-recalibrate nila ang reproduction number sa NCR at iba pang lugar, kaya’t bahagya itong bumaba sa 1.5, mula sa dating 1.6.

“Ni-recalibrate namin ‘yung reproduction number so medyo bumaba ng kaunti ‘yung value niya. Pero nasa mga 1.5 to 1.6 siya sa Metro Manila at saka dito sa ibang areas,” ayon kay David.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Iniulat rin naman ni David na ang NCR at iba pang lugar gaya ng Cavite, Laguna, Rizal, Batangas, Pampanga, Benguet, at Western Visayas ay nakikitaan rin nang bahagyang pagdami ng mga bagong kaso ng sakit.

“Sa nakikita natin, tumataas na ‘yung bilang ng kaso pero hindi ganon kataas ‘yung nakikita nating nagiging bilang,” aniya pa.

Umaasa naman si David na ang peak ng mga kaso ay makikita na sa susunod na isa hanggang dalawang linggo upang magkaroon na ng downward trend.

“And then from there baka magkaroon na ng downward trend. Pero, again, these are just projections. Pwede magbago ang mga ito,” dagdag pa niya.

Samantala, iniulat rin naman ni David na ang positivity rate sa NCR ay umakyat na sa 8.3% mula sa dating 7.5% lamang noong Hunyo 29.

Pagtiyak naman ni David, nananatiling mababa ang healthcare utilization sa rehiyon habang ang average daily attack rate ay naitala naman sa 3.6.

“Hindi pa ito napakataas kasi ‘yung cut-off ng Department of Health is 6. Pero may mga ibang LGUs sa Metro Manila, hindi ko lang mababanggit ngayon, na mas mataas na sa 6 ‘yung ADAR,”aniya.

Naniniwala rin si David na ang patuloy na pagdami ng mga bagong COVID-19 cases ay dahil sa mas nakahahawang Omicron subvariants na BA.4 at BA.5.