Idineklara ni Manila Mayor Honey Lacuna ang araw ng Biyernes bilang "cleanup day" sa lungsod ng Maynila.
Ayon kay Lacuna, nilagdaan niya ang isang executive order na nag-aatas sa lahat ng departments, offices, at bureaus sa ilalim ng Manila local government na maglinis sa kani-kanilang nasasakupan tuwing araw ng Biyernes.
“Nilagdaan ko noong unang araw ng Hulyo ang Executive Order No. 6 na nagtatalaga sa araw ng Biyernes bilang Clean-up Day at inaatasan ang lahat ng mga kawani, sa pangunguna ng mga pinuno ng kagawaran, na palaging tiyakin ang malinis at maayos na tanggapan, pati na ang lahat ng corridor sa harapan ng mga opisina at sa lahat ng sulok ng City Hall,” pahayag pa ni Lacuna, sa kanyang kauna-unahang flag-raising ceremony bilang bagong alkalde ng Maynila nitong Lunes.
“Ito ay repleksyon na sasalamin sa maayos at malinis na pamamahala. Dito ay makikita rin natin ang pakikiisa at kooperasyon ng bawat indibidwal na kabahagi ng ating pamahalaang lungsod,” aniya pa.
Sinabi ni Lacuna na ang lahat ng mga barangay at mga hepe ng mga istasyon ng pulis ay hinihikayat din upang panatilihing malinis ang kapaligiran sa kanilang nasasakupan.
Dapat aniyang walang makikitang anumang eyesore sa kanilang lugar gaya ng mga basura, illegally-parked vehicles maging pribado man o pampasahero.
Ang mga tindero ay hindi rin aniya dapat na lumampas sa linya kung saan lamang sila pinapayagang magtinda.
Pinuna rin ng alkalde na may mga center island at mga barikada ang naging vending areas na ngayon kaya’t inatasan niya ang mga pulis na panatilihin lamang ang mga vendor na magtinda kung saan legal silang pinahihintulutan ng pamahalaang lungsod.
Nilinaw rin naman ni Lacuna na wala silang ipinaiiral na ‘zero vendor policy’ sa lungsod dahil pinapayagan nila ang mga tindero na magtinda ngunit dapat na alinsunod lamang ito sa mga umiiral na polisiya at sa mga lugar lamang na itinalaga para sa kanila.
Samantala, pinasalamatan naman ni Lacuna yaong mga boluntaryo nang naglinis ng kanilang kapaligiran bago pa man siya nag-ikot sa mga tanggapan ng city hall nitong weekend.
“Salamat sa agarang pagtugon ng mga kasamahan nating naglaan ng ekstrang oras nitong nakaraang Sabado at Linggo upang maglinis at magsaayos ng ating kapaligiran dito sa Manila City Hall. Maraming salamat sa tanggapan ng Engineering, City Electrician, City Planning, DPS, CGSO at Building Administration. Nasimulan na natin ito, ipagpapatuloy na lang sana natin hanggang sa maging kaugalian na ng lahat,” pahayag pa ng alkalde.