Matapos manumpa bilang Pangulo ng Pilipinas, ginamit na kaagad ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang kaniyang veto power nang tutulan ang panukalang batas hinggil sa pagtatayo ng Bulacan Airport City Special Economic Zone and Freeport.
Sa kaniyang veto message, sinabi ni PBBM na bagama't nauunawaan niyang para ito sa local economic growth, hindi raw dapat isantabi ang "fiscal risks' na maaaring maidulot nito.
“l cannot support the bill considering the provisions that pose substantial fiscal risks to the country and its infringement on or conflict with other agencies’ mandates and authorities,” aniya.
Sa panayam naman sa kaniyang kapatid na si Senadora Imee Marcos ng isang radio station, ipinaliwanag nito ang ginawang pag-veto ng pangulo sa naturang panukalang batas.
"Sayang at sana makakapagbigay ng maraming trabaho sa mga nawalan ng hanapbuhay mula ng pandemya sa Bulacan, Pampanga, Tarlac, Nueva Ecija, at iba pang karatig-probinsya. Ngunit ang pasya ng dating DOF ay mawawalan ng buwis ang gobyerno, yung 'foregone revenue' na laging inuulit at kapangyarihan naman ng Pangulo ang mag-veto ng alinmang batas," ani Senadora Imee.