Tiniyak ni Manila Mayor Honey Lacuna na walang revamp o sibakang magaganap sa mga department heads ng Manila City Hall.

Ang pahayag ay ginawa ni Lacuna nitong Sabado kasunod ng mga ulat na sinabi umano niya na sisibakin sa puwesto ang mga non-performing heads at magsasagawa pa ng reshuffle.

Tinawanan din ni Lacuna ang lumabas na ulat na ire-revoke niya umano ang mga posisyon ng mga department heads at nilinaw na walang revocation ng department head positions sa local government.

“Nakakatawa lang kasi ngayon lang ako nakarinig na nire-revoke ang posisyon ng department head? Naiintindihan ba nila sinasabi nila? I just hope people will stop putting words into my mouth, especially if they are offensive to others,” ayon pa kay Lacuna.

National

FPRRD sa 2025 national budget: 'There's something terribly wrong!'

Ipinagtanggol din ni Lacuna ang mga city officials at sinabing wala sa mga ito ang masasabing non-performing.

Anang alkalde, ang lahat ng proyekto na ginawa nila ni dating Mayor Isko Moreno Domagoso ay pawang naging matagumpay dahil sa epektibong partisipasyon at suporta ng mga hepe ng lahat ng departments, bureaus at tanggapan sa City Hall.

Ipinaliwanag din ni Lacuna na hindi na rin kinakailangan ng revamp dahil isang tradisyon na kapag may nanalong bagong alkalde, ang lahat ng opisyal ng local at national government offices ay naghahain ng kanilang courtesy resignation upang bigyan ng pagkakataon ang bagong halal na lider kung sino ang kanyang pananatilihin o hindi na ibabalik sa puwesto.

“There is no such thing as revoking a position at all,” aniya pa.

Binigyang-diin rin ni Lacuna na ang mga posisyon ng mga opisyal na nagbitiw sa tungkulin bunsod ng health reasons, nagretiro na sa serbisyo at iba pang kadahilanan, ang siya lamang niyang pupunuan upang magpatuloy ang takbo ng mga nasabing tanggapan.

Kinumpirma rin ni Lacuna na hindi ito ang unang pagkakataon na nabiktima siya ng fake news.

Aniya, noong manalo siya sa nakaraang eleksyon ay napaulat na sinabi umano niyang inaalok niya ng posisyon ang dalawang karibal niya noong eleksyon.

Agad namang nilinaw ni Lacuna na ito’y imposible at walang katotohanan.

Samantala, klinaro rin ni Lacuna na wala siyang sinasabi na may plano niyang eksaminin ang mga proyekto ni Domagoso dahil bahagi siya ng mga proyektong ito at batid niya ang labas at loob nito.

“Ano ang ie-examine ko eh magkasama kami ni mayor sa lahat ng projects?” ayon pa sa alkalde.

Matatandaan na laging pinupuri ni Domagoso si Lacuna dahil sa kahandaan nitong pamunuan ang lungsod.

Palagi ring binabanggit ni Domagoso na si Lacuna ay aktibong bahagi sa lahat ng kanyang proyekto hindi lang bilang kanyang bise alkalde noon kundi bilang dati ring Presiding Officer ng Manila City Council.