Naghain ng resolusyon ang isang kongresista mula sa Central Luzon upang hilinging amyendahan ang 1987 Constitution upang bigyan ng mas mahabang termino ang Pangulo ng Pilipinas.

Ikinatwiran ni Pampanga Rep. Aurelio Gonzales, Jr., dapat na susugan ang Saligang-Batas upang pagkalooban ang presidente ng bansa ng 10 taong termino o dalawang tig-limang taong panunungkulan.

Ang unang limang taon ay matapos siyang mahalal at ang pangalawang limang taon ay payagan siyang tumakbong muli para sa panibagong termino

Naniniwala si Gonzales na kulang ang anim na taong termino ng pangulo para maipatupad ang mahahabang programa at polisiya para sa bayan.

Sa kanyang resolusyon, iminumungkahi ng kongresista na mag-convene ang dalawang Kapulungan bilang isang constituent assembly para amyendahan ang batas at pahintulutan ang pangulo na manungkulan ng dalawang termino na tig-lilimang taon.