Sinimulan na ng Quezon City government nitong Biyernes, Hulyo 1, ang pagpapatupad ng No Contact Apprehension Program (NCAP) sa 15 pangunahing kalsada ng lungsod.
“With the NCAP in full gear, we expect motorists to be more careful and disciplined when plying our roads. We want to instill in them that no one is exempted when it comes to traffic rules and regulations,” saad ni Mayor Joy Belmonte.
Epektibo ang NCAP sa Quirino Highway (Susano Road, Zabarte Road, and Tandang Sora Ave-Sangandaan), E. Rodriguez (Tomas Morato, Gilmore, Hemady), Aurora Boulevard (Hemady, Gilmore, Broadway, 20th Street), West Avenue (Baler), East Avenue (BIR Rd.), Kamias Road (Kalayaan), at P. Tuazon Boulevard (13th, 15th Avenue).
Sinabi ng lokal na pamahalaan na ang NCAP ay gumagamit ng mga makabagong camera na may artificial intelligence technology upang kunan ng larawan at i-record ang mga conduction sticker at plate number ng mga sasakyan na lumalabag sa patakaran at regulasyon sa trapiko 24 oras sa isang araw.
Ang mga lumabag ay makatatanggap ng notice of violation (NOV) na may kaukulang multa, na ihahatid sa kanilang tirahan sa loob ng 14 na araw. Maaari nilang i-verify ang kanilang NOV sa nocontact.quezoncity.gov.ph.
Para naman sa mga non-resident ng lungsod, sila ay makatatanggap ng email o private courier.
Ang multa para sa mga paglabag tulad ng pagsuway sa traffic control signals at signs, obstructing pedestrian lanes, counterflow driving, paglabag sa speed limit, at pagmamaneho o pagsakay ng motorsiklo nang hindi gumagamit ng safety helmet ay nasa P2,000 sa unang paglabag, P3,000 sa pangalawang paglabag, at P4,000 sa ikatlong paglabag.