Kinumpirma ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) nitong Sabado, Hulyo 2, na ang libreng sakay para sa mga estudyante ay sisimulan nilang ipatupad sa Agosto 22 at magtatagal hanggang sa Nobyembre 4, 2022.
Anang MRT-3, libreng makakasakay sa kanilang mga tren ang lahat ng mga estudyante sa darating na unang quarter ng school year 2022-2023 matapos na aprubahan ni Pang. Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. ang panukala ng Department of Transportation (DOTr) hinggil sa pagpapatupad ng libreng sakay para sa mga estudyante sa MRT-3, gayundin sa Light Rail Transit Line 2 (LRT-2), at Philippine National Railways (PNR).
Sinabi ng MRT-3 na layuning nitong makatulong sa mga estudyante na lubhang naapektuhan ang pag-aaral ng pandemya, gayundin sa kanilang mga magulang at pamilya.
Nabatid na nasa 38,000 ang mga eskwelahan na inaasahang magbabalik face-to-face classes simula sa darating na school year.
Ayon kay MRT-3 OIC-General Manager Michael J. Capati, ngayon pa lamang ay pinaghahandaan na ng linya ang inaasahang pagtaas ng bilang ng mga pasahero sa muling pagbubukas ng face-to-face classes sa Agosto.
Aniya, “nagde-deploy na rin po tayo ng 4-car train sets to augment our line capacity in the past months in anticipation of this. Rest assured na operationally ready po ang MRT-3 to serve ang ating mga estudyante na magbabalik-eskwela, at matulungan sila at ang kanilang pamilya habang tayo po ay nagna-navigate sa new normal.”
Matatandaang kasunod nang pagtatapos ng rehabilitasyon ng MRT-3 ay nagpatupad na ng libreng sakay ang pamahalaan na nagsimula noong Marso 28 hanggang noong Hunyo 30, upang matulungan ang mga mananakay nito na makaagapay sa tumataas na presyo ng produktong petrolyo at nananatiling epekto ng pandemya.
Ang MRT-3 ay bumabagtas sa EDSA, mula Taft Avenue, Pasay City hanggang sa North Avenue, Quezon City.