BAGUIO CITY –Isinampa na ni Mayor Benjamin Magalong sa City Prosecutors Office ang kasong paglabag sa Section 3 ng Republic Act 3019 o ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act laban sa mga opisyal ng DPWH-Baguio City District Engineering Office (BCDEO), hapon ng Hulyo 1.

Ipina-subscribe ng alkalde ang kanyang affidavit-complaint sa ilalim ng panunumpa sa City Prosecutor’s Office ngayong araw bilang paghahanda sa pagsasampa sa Office of the Ombudsman sa Quezon City.

Kasama sa mga sinampahan ng kaso sina District Engineer Rene Zarate; Assistant District Engineer Glenn Reyes, lima pang engineers at kanilang administrative officer.

Nag-ugat ang kaso sa pinaniniwalaang substandard projects ng DPWH-BCDEO sa lungsod ng Baguio.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

“Basically ang laman ng complaint ay pagpasok sa isang kontrata which is disadvantageous to the government and we will file many more against BCDEO since we have discovered many projects that are substandard and defective,” pahayag ni Magalong.

Ayon kay Magalong, nalulungkot siya na sa kabila ng sunud-sunod na pagpupulong at babala na ibinigay sa opisina ng distrito, "gayunpaman, sila ay napaka-consistent sa mga substandard na proyekto."

Aniya, nais niyang maging test case ito sa isang tanggapan ng gobyerno na nagsampa ng naturang reklamo laban sa isa pang tanggapan ng gobyerno upang ipakita na seryoso ang local government unit sa pagtigil sa katiwalian.

Dagdag pa niya, naghahanda na rin sila ng mga ebidensyang paghahanda sa pagsasampa ng mas maraming reklamo kaugnay sa iba pang mga proyekto kabilang ang mga gusali ng Department of Education (DepEd) na itinuring din niyang substandard.

“Pinadala na ng DPWH ang mga tao nila dito para talagang ma-inspeksyon nila ang mga proyekto at talagang nakita nila na substandard at depekto, kaya after 8 months wala pa rin tayong nakikitang konkretong aksyon at hindi na natin ma-tolerate ang mga ganyang katiwalian. Sisimulan na natin ang pagsasampa ng mga kaso," dugtong pa ni Magalong.