Umaabot sa₱175.26 milyon ang halaga ng medical assistance na ipinagkaloob ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) para sa kabuuang 22,539 eligible beneficiaries sa buong bansa noong Hunyo.
Sa datos na inilabas ng PCSO nitong Biyernes, Hulyo 1, nabatid na ang naturang pondo ay ipinagkaloob sa mga benepisyaryo sa ilalim ng kanilang Medical Access Program (MAP).
Kabilang sa mga benepisyaryo sa Luzon ang 2,737 indigents mula sa National Capital Region (NCR) na tumanggap ng kabuuang₱40.9 milyong halaga ng medical assistance; 5,408 beneficiaries mula sa Northern at Central Luzon na nabigyan ng₱40.5 milyon at 5,546 ang mga benepisyaryong nagmula sa Southern Tagalog at Bicol Region na nakatanggap ng₱35.1 milyon.
Sa Visayas, 4,518 indibidwal ang nakatanggap ng kabuuang₱31.4 milyong halaga ng medical aid habang 4,330 indibidwal naman ang nakatanggap ng₱27 milyong tulong medikal sa Mindanao.
Ang MAP, o dating Individual Medical Assistance Program (IMAP), ay idinisenyo upang magkaloob ng medical assistance para sa mga indigent Filipinos, na nangangailangan ng tulong medikal, gaya ng hospital confinement, chemotherapy, dialysis, at post-transplant medicines.
Ang naturang programa ay pinopondohan mula sa kita ng mga PCSO games sa buong bansa.