Sa kabila ng paulit-ulit na panawagan ni Pasig City Mayor Vico Sotto sa lahat ng tauhan ng pamahalaang lungsod na iwasang gumawa ng mga katiwalian, dalawa sa mga empleyado nito ang inaresto ng Philippine National Police (PNP) matapos tumanggap ng suhol kapalit ng pagbibigay ng permit. 

Sa Facebook post ni Sotto noong Biyernes, Hunyo 1, iniulat niya na nahuli ng pulisya ang dalawang suspek sa isang entrapment operation matapos mahuli sa aktong tumatanggap ng P600,000 halaga ng suhol.

"Para daw ito sa “tulong” para lumabas ang isang permit na dati nang sinabi sa business owner na ok na," saad ni Sotto.

“In the last 3 years, we have started to de-normalize corruption and institutionalize good governance in our local government. A tiring and mostly thankless job, but we guarantee that in the next 3 years, we will push even harder and do even better,” dagdag pa niya.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Noong Hunyo 20, pinaalalahanan ng alkalde ang kaniyang mga empleyado na patuloy na masanay na maging matapat sa kanilang mga trabaho at maglingkod sa publiko nang may paggalang at katapatan.

Ginawa ni Sotto ang pahayag sa flag-ceremony ng lungsod na ginanap sa city hall habang inihayag niya ang mga social services na ilulunsad ng pamahalaang lungsod sa kaniyang ikalawang termino.

"“Simpleng paalala lang po ulit na maglingkod tayo ng tapat at mahusay lalo na ginagawa nyo din naman. Siguro sa loob ng tatlong taon, marami tayong pinakilalang mga pagbabago sa pamahalaan pati na rin sa ating CSWD (City Social Welfare Department)," aniya.

“Yung iba nakita agad kung bakit natin kailangan ang mga pagbabagong ito, mga pagbabagong ginawa natin, yung iba siguro medyo may resistance ng konti pero naintindihan ko naman po, normal yan lalo na pag bago yung mga ginagawa natin," dagdag pa ng alkalde.

Paliwanag din niya, lahat ng ginagawa ng kaniyang administrasyon ay para sa kapakananng Pasigueño na nararapat na pagsilbihan nang maayos ng pamahalaang lungsod.