CAMP OLA, Albay – Arestado ng mga ahente ng pulisya at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang dalawang hinihinalang tulak ng droga at nasamsam ang mahigit P3-milyong halaga ng hinihinalang shabu sa isang anti-drug operation sa Goa, Camarines Sur Biyernes, Hulyo 1.

Kinilala ni Police Major Malu Calubaquib, tagapagsalita ng Police Regional Office (PRO)-5 (Bicol) ang mga suspek na sina Naneth F. Obias, 33, at Anthony R. Ariola, 23, kapwa residente ng Zone 3, Barangay Matacla, Goa.

Sinabi ni Calubaquib na si Obias ay nakalista sa provincial recalibrated priority database sa iligal na droga.

“Si Naneth Obias ay identified to be drug pushing and dealer at saka matagal nang minamanmanan sa provincial level,” ani Calubaquib.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Aniya, naaresto ang mga suspek sa pamamagitan ng search warrant na inisyu ni Judge Maria Angela Acompañado-Arroyo, Presiding Judge, Regional Trial Court (RTC), Branch 58, San Jose, Camarines Sur.

Nakuha mula sa mga suspek ang dalawang plastic bag na naglalaman ng shabu na tumitimbang ng hindi bababa sa 510 gramo at nagkakahalaga ng P3,468,000.

Dinala ang mga suspek at nakumpiskang droga sa Goa police headquarters para sa kaukulang disposisyon.