Nakapili na si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ng susunod na kalihim ng Department of Foreign Affairs (DFA).
Ito ay nang italaga nito si career diplomat Enrique Manalo bilang kapalit ni Teodoro Locsin, Jr. sa nasabing ahensya ng gobyerno.
Kinumpirma naman ito ni Press Secretary Trixie Angeles nitong Biyernes.
Si Manalo ay naging permanent representative ng Pilipinas sa United Nations simula noong 2020 at dati rin siyang naging undersecretary for policy ng DFA noong 2016.
Dati na rin siyang itinalaga bilang acting secretary ng DFA mula Marso 9 hanggang Mayo 17, 2017 matapos ibasura ng Commission on Appointments ang appointment ni Perfecto Yasay sa nabanggit na puwesto.
Bukod dito, naging Philippine Ambassador din ito sa United Kingdom mula 2011 hanggang 2016 at itinalaga ring non-resident envoy sa Ireland mula 2013 hanggang 2016.