Ipinangako ni Manila Mayor Maria Sheilah ‘Honey’ Lacuna-Pangan sa kanyang ama na si dating Manila Vice Mayor Danny Lacuna at kay dating Mayor Isko Moreno Domagoso, na hindi niya sila kailanman bibiguin at tiniyak na paglilingkuran niya ng buong-puso at sa abot ng kanyang makakaya ang lungsod ng Maynila at ang mga mamamayan nito.
“Promise, I will make you very proud of me,” ito ang binitiwang pangako ni Lacuna-Pangan sa kanyang talumpati makaraang nanumpa bilang bagong alkalde ng Maynila.
Mismong si Domagoso ang nangasiwa sa oath taking kay Lacuna-Pangan bilang ika-23 alkalde ng Maynila, na isinagawa nitong Miyerkules ng hapon, sa loob ng makasaysayang Manila Cathedral.
Kasabay rin niyang nanumpa sa tungkulin ang kanyang running mate na si Marvin ‘Yul Servo’ Nieto, na siya namang bagong bise alkalde ng lungsod.
Buong pagpapakumbaba rin namang nagpasalamat ang kauna-unahang babaeng alkalde ng Maynila, sa kanyang ama, na ayon sa kanya ay nagsilbi bilang inspirasyon sa uri ng serbisyo publikong kanilang ipinagkaloob sa lungsod at higit sa lahat sa paghulma sa kanya sa kanyang karera sa pulitika.
“Ang pangunahing nagsilbing lakas at inspirasyon ko upang magpatuloy ay ang mga papuri ng mga tao tungkol sa aking ama…Daddy, thank you very much… Dahil sa ‘yo, pinagkatiwalaan ako ng mga tao na maging konsehal ng Sampaloc.. naging vice mayor ako at higit sa lahat, dahil sa ‘yo, ako ay nagsikap na matuldukan na ang matagal nang kasibihan na ang mga Lacuna ay pang vice mayor lang,” aniya pa.
“Kahit man lang sa isang saglit kahit isang araw maging malinaw sa iyong isip na may anak ka nang mayor,” pahayag ni Lacuna-Pangan sa kanyang ama na kasalukuyang naka-wheelchair.
Laking pasalamat din ng alkalde dahil kasama pa niya ang ama nang matupad ang pangarap nito. “Maraming salamat na kasama ko pa ang tatay ko at nasaksihan pa niya ang katuparan ng matagal na niyang pinapangarap.. daddy, higit sa lahat, ito ay para sa ‘yo. Promise, I will make you very proud of me.”
Pinasalamatan din ng alkalde ang kanyang inang si Inday na ayon sa kanya ay hindi lamang nagsilbi bilang ina kundi bilang haligi na siyang pinagkukunan ng lakas ng buong pamilya.
Partikular ding nagpasalamat ang bagong luklok na alkalde kay Domagoso, sa laging pagtrato sa kanya bilang working partner at hindi siya itinuring bilang reserbang gulong lamang.
“Ipinadama niya sa akin ang pagtitiwala.. itinuring na isang partner, ‘ate’, katuwang sa lahat ng gawaing bayan at ni minsan ay di ako nakaramdam na ako ay spare tire lamang. Hinayaan niya akong magningning sa aking pagiging isang doktora, lalo na sa pandemya,” anang alkalde.
Nangako rin siya kay Domagoso na ipagpapatuloy ang mga makabuluhang programa na inilunsad nila sa Maynila.
“Mayor Isko, boss, umasa ka, hinding-hindi ko po kayo bibiguin. ‘Wag mo po akong pababayaan diyan lang kayo sa gedli,” aniya pa.
Samantala, hindi rin naman nakalimutan ni Lacuna-Pangan na pasalamatan ang kanyang asawa na si Manila Health Department chief Dr. Poks Pangan at anak na si Lucia, na siya aniyang pinagkukunan niya ng lakas upang tuparin ang kanyang mga pangarap para sa mga taga-Maynila.
Humingi rin siya ng pang-unawa sa mga ito at kahandaan para sa pagtupad niya ng kanyang tungkulin bilang punong ehekutibo ng lungsod.
Binanggit din at pinasalamatan ni Lacuna-Pangan ang kanyang mga kapatid na sina Councilor Philip, Dennis, Liza at Liga ng Barangay president na si Lei dahil sa palagi silang nagririyan anumang oras niyang kailanganin. Pinasalamatan din niya ang mga volunteer groups na patuloy na tumutulong sa kanyang karera.