Nagpaalala ang Department of Transportation (DOTr) sa publiko na hanggang ngayong Huwebes na lamang, Hunyo 30, ang ipinagkakaloob na libreng sakay at libreng antigen testing ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3).

Libre pa ring nakasakay ang mga commuters sa tren mula alas-4:40 ng madaling araw hanggang alas-10:10 ng gabi nitong Huwebes ngunit pagsapit ng Hulyo 1, 2022 ay kinakailangan na nilang muling magbayad kung nais nilang gamitin ang serbisyo ng mga tren.

Matatandaang Marso 28, 2022, nang simulang ipatupad ng DOTr ang libreng sakay sa MRT-3 bilang pagdiriwang nang pagtatapos ng malawakang rehabilitasyon ng linya at upang makatulong sa mga pasahero sa gitna ng mataas na presyo ng gasolina at mga bilihin.

Naging daan ang libreng sakay sa pamunuan ng MRT-3 upang masubok ang performance at kapasidad ng linya na magsakay ng mas maraming bilang ng mga pasahero na umaabot sa 380,000 sa loob ng karaniwang araw.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Nabatid na noong Hunyo 10, 2022, umabot sa 381,814 ang pasaherong sumakay ng MRT-3, na siyang pinakamaraming bilang ng mga commuters na sumakay ng linya mula nang magbalik-operasyon ito noong Hunyo 2020.

Matatandaang natapos ang rehabilitasyon ng MRT-3 noong Disyembre 2021, na nagbigay-daan sa pag-akyat ng operating speed ng mga tren sa 60kph mula sa dating 30kph, pagbaba ng travel time ng mga pasahero mula sa magkabilang dulong istasyon ng North at Taft Avenue sa 50 minuto, at pagsasaayos ng mga pasilidad ng linya.

Patuloy rin sa pagdedeploy ng 4-car CKD train sets sa revenue, pandagdag sa 16 hanggang 18 3-car train sets na tumatakbo sa linya, upang makapagserbisyo ng mas maraming pasahero.

Ayon sa MRT-3, ang tatlong buwang libreng sakay ang pinakamahabang pagkakataon na nagpatupad ang pamunuan ng libreng sakay para sa lahat.

Wala namang anumang insidente ng unloading, dulot ng train breakdowns, na naiulat ang MRT-3 sa pagpapatupad ng programa.

Umani rin ito ng papuri at maraming pasasalamat sa mga regular na pasahero nito na siyang nakinabang sa libreng sakay.

Sa pagtatapos ng libreng sakay, umaasa ang pamunuan ng MRT-3 na nakapagdulot ito ng kahit bahagyang ginhawa sa mga pasahero at mas marami pa ang naengganyo na gamitin ang mas maayos, mas komportable, at mas pinabuting serbisyo ng rail line.

Samantala, umarangkada na rin nitong Huwebes ang huling araw ng pamamahagi ng pamunuan ng MRT-3 ng libreng antigen testing para sa mga boluntaryong pasahero nito.

Inilunsad ng MRT-3 ang antigen testing noong Enero 11, 2022, sa pakikipagtulungan sa DOTr, upang mabantayan ang kaligtasan ng mga pasahero.

Simula naman noong Enero 28, 2022, walang anumang kaso ng nagpositibo sa COVID-19 ang naitala sa antigen testing para sa mga pasahero.