CAGAYAN DE ORO CITY — Patay ang isang radio block time anchor nang pagbabarilin ilang hakbang ang layo mula sa kanyang tirahan sa Area 2, Sitio Macanhan, Barangay Carmen nitong lungsod noong Miyerkules, Hunyo 29.

Kinilala ng Cagayan de Oro City Police Office (COCPO) ang biktima na si Federico Gempesaw, 62, isang radio block time anchor mula sa 106.3 Radyo Natin FM Cagayan de Oro.

Riding-in-tandem ang hindi pa nakikilalang mga suspek.

Sinabi ni Major Mario Mantala Jr., hepe ng Carmen police station, sa mga mamamahayag na batay sa salaysay ng ilang testigo, nagkaroon ng komosyon bago pinagbabaril ng mga suspek ang biktima.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Lumalabas sa imbestigasyon na gumamit ang mga suspek ng kalibre 45 na pistola at nagtamo ang biktima ng mga tama ng bala sa kanyang kanang kilay at sa likod na bahagi ng kanyang ulo.

Habang isinusulat ang balitang ito, patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek at ang motibo sa pagpatay.

Idinagdag ni Manatala na ang gunman, batay sa salaysay ng ilang saksi, ay nakasuot ng brown striped shirt na may brown shorts at nakasuot ng helmet, habang ang driver ay naka-black jacket at naka-cap.

Sinabi ng hepe ng Carmen police na dumiretso ang mga suspek sa ibabang bahagi ng Barangay Carmen, dahilan upang agad na magsagawa ng hot pursuit operation ang mga pulis.

Samantala, mariing kinondena ng Cagayan de Oro Press Club (COCPO), sa isang pahayag ang pamamaril kay Gempesaw at hiniling sa COCPO na maglunsad ng masusing imbestigasyon upang matukoy ang motibo at ang mga suspek.

Bukod sa pulisya ng lungsod, tinawag din ng COPC ang National Bureau of Investigation (NBI) para maging katuwang ng COCPO sa pag-iimbestiga sa insidente ng pamamaril at nagpahayag ng pag-asa na makakarating din ang kaso sa Presidential Task Force on Media Killings.

“It is believed that this incident will continue if the crime is not solved and another life of the media member will be lost,” mababasa sa pahayag na nilagdaan ni COPC President Frank Mendez.

Sa kanyang tugon, sinabi naman ni COCPO director Col. Aaron Mandia sa isang text message sa Manila Bulletin na tiniyak niya sa COPC ang isang masinsinang imbestigasyon para malutas ang kaso.

“Yes. After the [shooting] incident, we have already conducted [the investigation] and we will check all the available CCTVs [close-circuit television],” ani Mandia.

Hinimok ni Mantala ang publiko na agad na magsumbong sa pulisya kung makakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa kinaroroonan ng mga suspek.