Nagpahayag ang Philippine National Police (PNP) nitong Miyerkules, Hunyo 29, ng pasasalamat sa apat na local government units sa Metro Manila sa pagdedeklara sa Hunyo 30 bilang special non-working holiday upang bigyang-daan ang inagurasyon ni President-elect Ferdinand Marcos, Jr.
Sinabi ni Police Maj. Gen. Valeriano de Leon, PNP director for Operations, na ang desisyon ng mga Pamahalaang Lungsod ng Maynila, Navotas, Pasay at San Juan, ay magbibigay ng bentahe sa security forces sa pagpapatupad ng mga hakbang sa seguridad para sa aktibidad.
“This is a big help not only to the residents and workers of Metro Manila, since road closures and rerouting schemes have already been implemented, but also to the organizers of this historic event, as stricter security measures will be enforced on June 30,” ani De Leon.
Nauna nang hinimok ni De Leon ang mga LGU na kabahagi ng hangganan sa Maynila na sundin ang desisyon ng Manila City government na magdeklara ng special non-working holiday upang ma-maximize ang security measures para sa inagurasyon na gaganapin sa National Museum.
Kabahagi ng Maynila ang mga hangganan nito sa mga lungsod ng Makati, San Juan, Quezon City, Caloocan City, at Pasay.
Ipinahayag ni De Leon na ang pagdedeklara ng special non-working holiday ay makakabawas sa bilang ng mga sasakyan at commuters sa mga kalsada, lalo na sa pagtatayo ng checkpoints sa lahat ng entry point ng Lungsod ng Maynila.
Ininspeksyon ni De Leon ang oath-taking venue noong Miyerkules, Hunyo 29, upang matiyak na ang lahat ng mga hakbang sa seguridad na napagkasunduan at napag-usapan sa mga serye ng mga pagpupulong kasama ang iba't ibang entity ng gobyerno ay nakalatag na.
Mahigit 15,000 pulis, sundalo, tauhan ng Coast Guard, at force multipliers ang ipapakalat upang matiyak ang seguridad sa kaganapan, na inaasahang dadaluhan ang mga dayuhang bisita.
Aaron Recuenco