Muling pinagdiinan ni outgoing President Rodrigo Duterte na ginamit niya ang kaniyang "presidential powers" upang hindi mabigyan ng bagong prangkisa ang ABS-CBN noong 2020.
Sinabi umano ito ni Duterte sa oath-taking ceremony ng mga bagong halal na opisyal sa Davao City noong Lunes, Hunyo 27, 2022. Ginamit umano ng pangulo ang kaniyang presidential powers sa Kongreso na huwag pagbigyan ang largest network sa bansa.
"I used the presidential powers to tell Congress that you are dealing with scoundrels and if you continue to kowtow with them, kawawa ang Pilipino."
Matatandaang ipinag-utos ng National Telecommunications Commission o NTC ang "cease and desist order" sa network noong Mayo 5, 2020, at nawala naman sa ere ang network eksaktong 7:52 ng gabi. Ibinasura naman ang prangkisa nito noong Hulyo 10, 2020 sa botong 70-11.
Talagang "tinira" umano ni Duterte ang ABS-CBN na hindi umano nagbabayad ng buwis, bagama't ilang beses nang nilinaw mismo ng Securities and Exchange Commission (SEC) at Bureau of Internal Revenue (BIR) na walang nilabag ang network sa kahit na anumang corporate laws at nagbabayad ito ng regular na buwis.
Matatandaang unang nagbanta ang pangulo tungkol sa prangkisa ng ABS-CBN noong Abril 27, 2017, dahil hindi umano inere ng network ang kaniyang presidential campaign ads noong 2016 kahit nakabayad na rito.
Agad namang humingi ng tawad ang Kapamilya Network at nangakong ibabalik ang ibinayad ng kampo ni Digong.
Sa ngayon ay patuloy na umeere ang mga programa ng ABS-CBN sa cable channels, online platforms, at blocktime deals sa A2Z Channel 11 at TV-5.
Napababalitang magkakaroon ng full-partnership sa pagitan ng ABS-CBN at TV-5 kapag nakababa na sa puwesto si Pangulong Duterte.
Umingay din ang mga alingasngas na mukhang nilalakad na ni ABS-CBN President at CEO Carlo Katigbak ang tungkol sa panibagong prangkisa matapos itong mamataan sa isa sa headquarters ni President-elect Ferdinand 'Bongbong' Marcos, Jr.
Sa panayam umano kay Senadora Imee Marcos, sinabi niyang wala siyang alam sa mga bagay na ito.