Ipinagmalaki kamakailan ni outgoing Malabon Mayor Antolin “Lenlen” Oreta III ang iiwang halagang pondo ng pamahalaang lungsod sa susunod na administrasyon.

Matapos ang halos sampung taong pamumuno ni Oreta ay magpapamana ito ng mahalagang legasiya sa lungsod.

Pag-amin ng alkalde, ang tinatamasang pag-unlad ng Malabon kasunod ng kaniyang higit siyam na taong administrasyon, sa pakikipagtulungan din mga residente ng Malabon, ay hindi naging madali.

“Back then it was difficult to ensure that everyone received proper assistance and service because of limited resources. But over the years, dahil sa improvement ng internal systems natin, nag-improve din ang binababa nating serbisyo sa mga Malabonian,” ani Oreta sa isang pahayag kamakailan.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Nang simulang pamunuan ni Oreta taong 2012 ang pamahalaang lungsod, tinatayang nasa P400 milyon lang umaabot ang kabuuang koleksyon ng buwis.

Lumubo ito sa kasalukuyang P1.5 bilyon na inilalaan lokal na pamahalaan sa iba’t ibang proyekto para sa patuloy na pag-unlad ng lungsod kagaya ng pagtugon sa ‘PROMISE agenda’ o ang Poverty Reduction, Organizational Management, Infrastructure Scheme at Environment agenda.

Mula 2012 hanggang 2021, tinatayang lumago ng 200% ang lokal na kita ng lungsod.

Hakbang ng Malabon gov’t vs pandemya

Sa gitna ng pandemya, naglatag ng mga programa ang pamahalaang lungsod kabilang ang pagsiguro sa libre at dekalidad na edukasyon, maayos at matatag na health care system kabilang ang pagtugon sa nauna nang mga suliranin: pagpapababa ng kaso ng stunting at malnutrition sa mga kabataan, paglunsad ng proyektong pangkabuhayan, kampanya laban sa droga, pagtulong sa senior citizens, at ang pagpapanatili sa pangkalahatang kaayusan ng lungsod.

Bago pa ang pandemya, ang pondong hiniram ng pamahalaang lungsod na nagkakahalaga ng P202.6 milyon noong 2018 ay inilaan sa pagpapatayo ng Catmon Super Health Center.

Naging daan din ang nasabing pondo para sa pagpapatayo ng DRRMO Action Center sa Brgy. Potrero, rehabilitasyon ng Oreta Sports Center, pagsasaayos sa Center Island sa C-4, at Malabonian Sports Complex sa Hulong Duhat. Ang mga proyektong ito ay 100 percent nang natapos at kasalukuyang nag-aakomoda sa maraming residente ng lungsod.

Dagdag na P1.15 bilyong pondo ang hiniram ng pamahalaang lungsod noong 2020 ang naging daan naman para sa pagpapalakas pa ng sistemang pangkalusugan ng lungsod na naging daan sa papapatayo ng Super Health Centers sa Brgy. Longos at Brgy. Tonsuya, rehabilitasyon ng Potrero Super Health Center, health building sa likod ng munisipyo, at rehabilitasyon ng Tugatog Public Cemetery. Sa anim na proyektong nabanggit, tatlo na ang nasimulan.

Iginiit naman ng alkalde na tama at responsableng napamamahalaan ang mga hiniram na halaga habang sinigurong hindi kailangang taasan ang buwis para mabayaran ang hiniram na pondo mula sa pambansang pamahalaan.

“Para sa mga Malabonian ang mga proyektong ito, at hindi maapektuhan ng inutang natin ang increase or decrease ng taxes,” kumpiyansang saad ni Oreta.

Pinabulaanan din ng alkalde ang ilang kuro-kuro ukol sa halagang pondo ng lokal na pamahalaan na iiwan nito sa susunod na administrasyon.

“I am not leaving you to start out with nothing. Here is the bank balance as of June 15, 2022: P1,427,755,035.97,” dagdag ng alkalde.

Si Mayor Jeannie Sandoval ang inihalal na bagong alkalde ng lungsod matapos ang mahigpit na halalan noong Mayo.