Ipinadala na sa Office of the Ombudsman ang listahan ng mga idinadawit sa agricultural smuggling sa bansa, ayon sa pahayag ni Senate Presidente Vicente Sotto III nitong Miyerkules.
"Pinadala ko 'yung kopya sa Ombudsman, 'di lang 'yung listahan pinadala ko sa Ombudsman 'yung buong committee report. Nandoon 'yung rekomendasyon ng buong committee ng Senado kung sinu-sino ang dapat kasuhan kumpleto 'yon," pahayag ni Sotto nang kapanayamin sa telebisyon.
Kabilang aniya saSenate committee of the whole report, ang listahan ng mga indibidwal, kabilang ang ilang opisyal ng Bureau of Customs (BOC) at Department of Agriculture (DA) na sinasabing smuggler at protektor.
Ang committee report ay ipinadala na rin kay President-elect Ferdinand Marcos, Jr. na pamumunuan muna ang DA.
Si Sotto ang namuno sa pag-iimbestiga sa talamak na pagpupuslit ng agricultural product sa bansa.
Paliwanag ng senador, ipinadala nila ang report sa anti-graft agency dahil trabaho ng Ombudsman na mag-imbestiga at maghain ng kaso sa mga mapapatunayangsangkot sa iligal na pag-aangkat ng food products.
Kaugnay nito, binalaan din ni Sotto angNational Intelligence Coordinating Agency na mananagot kung patuloy na itinatanggi na nanggaling sa kanila ang naturang listahan.
"They are playing on words kaya pinakamaganda, mas maganda tumahimik na lang. 'Wag na nilang kontrahin ang committee report ng Senado dahil kapag kinontra nila 'yon, mapipilitan ako na ilabas lahat," banta ni Sotto.
Sa nasabing report ng Senado, kabilang sa kinilalang dawit umano sa smuggling si BOC CommissionerRey Guerrero, ilang opisyal ng BOC at DA.