Wala pa ring pinalad na magwagi sa mahigit P281 milyong jackpot prize ng Grand Lotto 6/55 na binola ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) nitong Lunes ng gabi kaya’t inaasahang lolobo pa ang naturang premyo at papalo na sa mahigit P295 milyon sa susunod na lotto draw.
Sa paabiso ng PCSO nitong Martes, nabatid na hindi pa rin tinamaan ng kanilang mga parokyano ang six-digit winning combination na 49-01-40-21-20-55 ng Grand Lotto 6/55 kaya’t walang nakapag-uwi ng katumbas nitong jackpot prize na P281,185,257.20.
Mayroon namang 41 mananaya ang nanalo ng tig-P100,000 na second prize matapos na makahula ng tig-limang tamang numero; 1,815 ang nakapag-uwi ng tig-P1,500 para tig-apat na tamang numbero habang 40,786 bettors naman ang nakakuha ng palit-taya na tig-P60 para sa tig-tatlong tamang numero.
Samantala, wala ring nagwagi sa P8,910,000 na jackpot prize ng Mega Lotto 6/45 na binola rin nitong Lunes ng gabi dahil walang nakahula sa six-digit winning combination nito na 10-44-22-31-33-19.
Patuloy namang hinihikayat ng PCSO ang publiko na tangkilikin ang kanilang mga palaro, partikular na ang lotto, dahil sa bukod sa may pagkakataon ka nang maging milyonaryo ay makakatulong ka pa sa kawanggawa.
Ang Grand Lotto 6/55 ay binubola tuwing araw ng Lunes, Miyerkules at Sabado habang ang Mega Lotto 6/45 naman ay binubola tuwing Lunes, Miyerkules at Biyernes.