Hindi na kailangan pa ng mga residente ng Maynila na magtungo sa mga mamahalin at pribadong ospital dahil maaari na nilang i-avail ang libre at de kalidad na serbisyong pangkalusugan sa Bagong Ospital ng Maynila.

Sinabi ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso nitong Martes na ngayong bukas na ang Bagong Ospital ng Maynila ay mae-enjoy na rin ng mga Manilenyo ang serbisyong gaya nang ipinagkakaloob sa mga pribadong ospital, ng libre.

Matatandaang kamakailan ay pinangunahan nina Domagoso, kasama si incoming Mayor Honey Lacuna, incoming Vice Mayor Yul Servo, Manila Health Department chief Dr. Arnold ‘Poks’ Pangan, city engineer Armand Andres, city electrician Randy Sadac at Sta. Ana Hospital Director Dr. Grace Padilla, ang inagurasyon ng Bagong OsMa.

Tiniyak rin ni Domagoso sa lahat ng barangay chairmen, teachers at empleyado ng City Hall na sila ay ma-a-accommodate sa nasabing ospital dahil may nakalaan sa kanilang special suites sakaling sila ay magkasakit.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Sa kanyang talumpati, ginunita naman ni Lacuna, na isang doktor, noong panahon ng kanyang residency sa nasabing ospital ay kailangan pa silang maghagilap ng pathology machine.

Sinabi naman ng alkalde na may mga pagkakataon na kailangan na maghanap ng pera ang kanyang nasasakupan para makapagrenta ng incubator.

Ani Domagoso, ang lahat ng ito ay bahagi na ng nakaraan.

Inaanyayahan rin niya ang lahat ng Manilenyo na dalawin ang bagong ospital upang makita ang mga state-of-the-art facilities dahil pera naman ng taumbayan ang ginamit sa pagpapatayo at pagbili ng mga modernong gamit sa loob ng ospital.

Nanawagan din naman siya sa lahat ng barangay chairmen na patuloy na suportahan si Lacuna at Servo gaya ng kanilang ginawa sa loob ng tatlong taong panunungkulan niya bilang Manila mayor.

Binigyang-diin niya na hindi sapat ang pagsisikap ng mga city officials para sa tagumpay ng kahit na anumang administrasyon kung wala ang suporta ng lahat ng barangay.

Tiniyak pa ni Domagoso na sa ilalim ng panunungkulan ni Lacuna bilang alkalde ng Maynila, ang lahat ng mga benepisyo ng mga mamamayan, gaya ng mga senior citizen, ay magpapatuloy at walang delay na magaganap.

Kumpiyansa rin ang alkalde na magagampanan ni Lacuna ang trabaho nang matagumpay dahil bahagi ito ng lahat ng proyekto ng administrasyon sa loob ng tatlong taon.