Wala na umanong plano pa si outgoing Health Secretary Francisco Duque III na manilbihan pang muli sa gobyerno at sa halip ay babalik na lamang siya sa pagtuturo.
Ang pahayag ay ginawa ni Duque sa isang panayam sa radyo nitong Martes, kasunod nang nalalapit na niyang pagbaba sa puwesto bilang kalihim ng Department of Health (DOH) sa Hunyo 30, 2022.
Ayon kay Duque, 21 taon naman na, ng kanyang productive years ang inilaan niya sa paninilbihan sa pamahalaan at sa mga mamamayan.
“Ay hindi na. Kasi 21 years of my productive years nilaan ko na sa paninilbihan sa gobyerno, sa taong-bayan,” ayon kay Duque, sa panayam sa radyo.
Aminado si Duque na mahirap ang mga pinagdaanan niya lalo na nitong panahon ng pandemya, ngunit nilinaw na wala siyang anumang pagsisisi sa paninilbihan bilang kalihim ng DOH, lalo na ngayong mahusay na ang COVID-19 situation ng bansa.
Sa ngayon aniya, karamihan sa mga lugar sa bansa ay nasa ilalim na ng Alert Level 1, nakapagbakuna na ang pamahalaan ng mahigit sa 70 milyong indibidwal, at istrikto namang tumatalima ang mga mamamayan sa health protocols, partikular na ang pagsusuot ng face masks.
“Mahirap talaga. Pero wala naman akong regrets dahil mahalaga dito maganda yung resulta ng ating paninilbihan ngayon,” anang kalihim. “Natagumpayan naman natin kahit papaano ang COVID.”
Ayon kay Duque, plano niyang magpahinga muna sandali, matapos ang kanyang termino bilang DOH secretary at saka siya babalik sa pagtuturo.
“Magpapahinga ako sandali tapos babalik ako sa educational, sa academe… Oo, magtuturo ako at subukan kong palawigin yung universal health care sa medical and allied medical courses,” aniya pa.