CAMP OLIVAS, City of San Fernando, Pampanga – Arestado ng mga pulis sa Central Luzon ang hindi bababa sa siyam na hinihinalang nagbebenta ng droga sa magkahiwalay na operasyon sa loob ng 24 na oras sa tatlong lalawigan.

Isinagawa ang anti-illegal drug operations sa Pampanga, Bulacan at Zambales noong Linggo, Hunyo 26.

Nasakote ng mga operatiba ng Mabalacat City Police sina Reynante Pineda lias ‘Rey,’ 52, at nakalista bilang high value target (HVT), at Ana Marie Bitug, 38, sa buy-bust operation sa Brgy. Mabiga sa Mabalacat City.

Nakuha mula sa dalawang suspek ang pitong piraso ng heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng humigit-kumulang 56 gramo ng ‘shabu’ na tinatayang nagkakahalaga ng P380,000.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Samantala, apat na umano'y nagbebenta ng droga na sina Gil Ciego, 33; Rania Julartbar, 23; Ian Ramos, 28; at Justine Mercado, 21, arestado ng mga elemento ng Norzagaray Police sa buy-bust operation sa Brgy. Bigte, Norzagaray Bulacan.

Nasamsam sa mga raiders ang 11 piraso ng maliliit na heat-sealed transparent plastic sachet ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng 7.03 gramo na nagkakahalaga ng P49,640.

Sa Zambales, naaresto ng magkasanib na elemento ng Subic Police at PDEA Zambales ang tatlong drug personalities sa isang buy-bust operation sa Brgy. Matain, Subic.

Kinilala ng PDEA ang mga suspek na sina Abbygail Cleofe, 37, ng Purok 3, Matain, ang drug den maintainer; Ace Narez, 30, ng Calapacuan, Subic; at Michael Tolentino, 34, ng Purok 1, Barangay Calapandayan, Subic.

Narekober sa kanila ang limang heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng 13 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P89,700, iba't ibang drug paraphernalia, at ang marked money na ginamit ng undercover PDEA agent.