Dahil ilang araw na lang ay matatapos na ang kanyang termino, pinasalamatan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga Pinoy na pinaglingkuran niya bilang punong ehekutibo sa loob ng anim na taon.
“Maiksi lang po. Sa sambayanang Pilipino, maraming-maraming salamat sa inyo,” pahayag ng Pangulo nang dumalo sa "Salamat PRRD" concert sa Quirino Grandstand nitong Linggo ng gabi.
Tampok din sa thanksgiving event ang pag-alay ng kanta ng grupo ng mga doktor at medical frontliners bilang pagkilala naman sa mga nagawa ni Duterte sa bansa.
Kumanta rin ang Pangulo na sinabayan naman ng fireworks display na tumagal ng ilang minuto.
Bukod sa asawa ni Duterte na si Honeylet Avanceña, dumalo rin sa konsiyerto si Senator Imee Marcos, Senator Bong Go, at ilang miyembro ng Gabinete.