BAUTISTA, Pangasinan - Laking pasasalamat ni Grace Anne Cadosales, 22, nang matupad ang kanyang pangarap matapos makapagtapos bilang cum laude.

Pinatunayan ni Cadosales na hindi hadlang ang kapansanan upang maabot ang kanyang layunin nang magtapos sa kursong Bachelor of Science in Information Technology sa Perpetual Help of College sa Pangasinan noong Hunyo 9.

Inilahad ni Cadosales sa kanyang Facebook account ang mga pinagdaanan nito habang nag-aaral.

“Nong unang beses akong in-enroll ni mama sa school hindi ako tinanggap kasi raw hindi ako normal at maaaring maging pabigat lang ako sa klase. Sa early stage na iyon ng buhay ko, nakita ko na kung ano ba ang totoong kulay ng mundo sa mga tulad kong PWD. Hindi pala lahat tanggap ako," lahad ni Cadosales.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Gayunman, hindi pa rin tumigil ang ina nito sa paghahanap ng paaralang tatanggap sa kanya.

“Ginawa lahat ni mama ang paraan ma-enroll lang ako, tinulungan siya ng isang kong doctor/therapist na ipaglaban karapatan kong makapag aral. And finally tinanggap na din ako sa pangalawang pagkakataon," dugtong nito.

Sa kabila nito, hindi pa rin natapos ang kanyang paghihirap.

“May times na may na-encounter akong mga grupo noon ng mga magulang na sinasabi nila "bakit pa ako nag aral" "baka maging pabigat lang ako at maapektuhan ang klase." May mga bata din noon na pinag tatawanan kalagayan ko,” pagbibigay-diin nito.

"Sa mga panahon na iyon, sinabi ko sa sarili ko na, "Ok lang, may purpose si Lord kung bakit ako napili niya."

Gayunman, nang makapanayam ng manunulat na ito, binanggit nito na naging matapang na siya sa pagharap ng mga pagsubok sa buhay sa pamamagitan ng pananalig sa Diyos.

Ito rin aniya ang nagbigay ng patnubay upang maabot nito ang kanyang pangarap.

Nitong Hunyo 13, natanggap na si Cadosales sa trabaho sa isang surveying office sa kanilang bayan.