Arestado ang magkapatid na umano'y kasapi ng akyat-bahay gang matapos maaktuhan ang panloloob sa isang establisimyento at pagkakarekober ng kabuuang ₱108,520 na pera sa Las Piñas City nitong Lunes, Hunyo 27.

Kinilala ni Southern Police District (SPD) Director, Brigadier General Jimili Macaraeg ang mga naarestong suspek na sina Marvin Torion, 22, at  Ricky Torion, 19, kapwa residente sa Las Piñas City. 

Ayon sa police report, nadakip ng mga tauhan ng Talon Substation ang magkapatid na suspek sa loob ng Ruipjey E-Bikes na matatagpuan sa Alabang-Zapote Road, Brgy. Talon Uno sa Pasay City dakong 2:35 ng madaling araw nitong Lunes.

Nauna rito, nakatanggap ng tawag ang awtoridad mula kay Abdul Rashid Malang, miyembro ng City Environment & Natural Resources Office (CENRO) at ipinabatid ang nagaganap na panloloob sa Ruipjey E-Bikes nang makita nyang pumasok ang dalawang suspek sa naturang establisimyento. 

Metro

Tatay na umano'y nambugbog, sugatan matapos gantihan at saksakin ng anak

Mabilis na rumesponde ang mga pulis na nagresulta ng pagkakadakip sa mga suspek at marekober ang ₱108,520 cash sa vault, kutsilyo, screw driver, isang flat screw at claw bar.

Inihahanda na ng Las Piñas City Police ang pagsasampa ng kasong robbery at BP 6 laban sa magkapatid na suspek.

“Binabati ko ang ating kapulisan sa kanilang agarang pag responde na nagsanhi ng pagkakahuli ng mga suspek sa pakikipagtulungan ng ating komunidad, ang pagpapatupad natin ng batas ay ating napaiigting. Ako ay nagpapasalamat sa ating mga force multipliers at volunteers sa inyong suporta sa ating pambansang pulisya,” ani BGen Macaraeg.