Ipinagpaliban muna ng pamahalaan ang planong pagkakaloob ng unang COVID-19 booster dose para sa non-immunocompromised children na nagkakaedad ng 12 hanggang 17 taong gulang, bunsod na rin umano ng ilang ‘glitch’ sa Health Technology Assessment Council (HTAC).

Ipinaliwanag ni National Vaccination Operations Center (NVOC) chairperson at Health Undersecretary Dr. Myrna Cabotaje nitong Linggo na gumawa ng kondisyon ang HTAC na ang mga malulusog na adolescents na nagkaka-edad ng 12 hanggang 17, ay bibigyan lamang ng booster shot kung ang booster coverage ng mga senior citizens sa kanilang lugar ay umabot na ng 40%.

“We were confident sana na after the immunocompromised, sisimulan na ang rest of the 12 to 17 booster. Kaya nga lang po, may isang recommendation ang HTAC na nakiki-bargain kami. Ang gusto nila, at least 40% ng first booster ng area ay sa senior citizen. Alam naman natin na mababa ang first booster. Scientifically, may basis sila, pero operationally, nahihirapan kami,” ani Cabotaje.

Ayon kay Cabotaje, sinusubukan pa nilang makipag-negosasyon sa HTAC hinggil sa nasabing kondisyon.Umaasa aniya sila na madedesisyunan ito sa lalong madaling panahon para maabot ang itinakdang five-month interval.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Matatandaang ang rollout ng unang COVID-19 booster dose para sa immunocompromised minors para sa nasabing said age group ay sinimulan na noong Miyerkules. Sa mga pagamutan lamang ito isinagawa dahil na rin sa safety reasons.

Base sa guidelines ng Department of Health (DOH), ang mga immunocompromised adolescents na kabilang sa 12-17 taong gulang, ay maaari nang tumanggap ng first booster, 28 araw matapos ang administrasyon ng ikalawang dose ng COVID-19.

Samantala, ang mga non-immunocompromised naman mula sa nasabing age group ay kailangan munang maghintay ng limang buwan, matapos ang kanilang second dose, bago makapagpa-booster shot.

Iniulat rin naman ni Cabotaje na ang pagbibigay ng boosters para sa mga immunocompromised na 12-17 years old ay mabagal at mababa.

Aniya sa National Capital Region (NCR) na mismo ay nasa 45 pa lamang ang nakapagpa-booster shot.

“Medyo mababa at medyo mabagal.May operational problems kasi ‘yung paghahanap ng mga immunocompromised. Tapos ‘yung mga nanay pati ‘yung mga ospital hindi nagco-configure kasi gusto nila na isabay pati ‘yung mga anak nila na hindi immunocompromised,” aniya pa.

Sa ngayon, tanging ang Pfizer booster shot pa lamang ang nabigyanng emergency use authorization (EUA) ng Food and Drug Administration (FDA) para magamit sa mga batang 12 to 17 years old.