Ibinahagi ni outgoing Vice President Leni Robredo ang kaniyang mga natutuhan sa loob ng anim na taon, sa kaniyang panunungkulan bilang pangalawang pangulo ng Pilipinas, at kahalili sana ni outgoing President Rodrigo Duterte.

Naganap ang pag-iisa-isa nito sa huling episode ng kaniyang radio program na "BISErbisyong LENI" na umere sa RMN kasama ang Radyoman na si Ely Saludar.

Aniya, pinakanatutuhan niya ay maging malikhain at mapamaraan sa paghahanap ng pondo dahil maliit umano ang budget na inilaan para sa kanila. Hindi raw kasi "kakampi" ang naging pagtingin sa kanila ng pamahalaan.

"Mas gugustuhin namin mas madali, mas gugustuhin namin na 'pag kailangan ng tulong ng opisina namin ay tutulungan kami. Pero dahil hindi kami tinuring na kakampi, hindi kami tinuring na bahagi ng pamahalaan… natuto kami. Natuto kaming maghanap ng paraan. To my mind, 'yun ang nagpahusay sa amin kasi 'pag mahirap nagiging mahusay ka. 'Pag mahirap, naghahanap ka ng paraan," ani outgoing VP Leni.

Basahin: https://balita.net.ph/2022/06/26/hindi-itinuring-na-kakampi-ng-pamahalaan-team-vp-leni-humusay-natutong-humanap-ng-paraan/">https://balita.net.ph/2022/06/26/hindi-itinuring-na-kakampi-ng-pamahalaan-team-vp-leni-humusay-natutong-humanap-ng-paraan/

Naging tulay umano ang OVP para sa mga indibidwal at grupong nagnanais na magpahatid ng tulong sa mahihirap na komunidad, gaya ng Angat Buhay Programa, na ipagpapatuloy bilang Angat Buhay NGO, Bayanihan E-Konsulta, at marami pang iba.

Isa pang bagay na nais daw niya sanang sipatin na sa Konstitusyon ay ang paglalagay ng klarong mandato sa magiging tungkulin ng bise presidente at hindi "ceremonial" lamang. Sa ibang bansa raw kasi, may sariling kapangyarihan ang bise presidente at nagiging presiding officer pa sa mga ganap sa pamahalaan.

Sana raw, kaalyado man o hindi ng pangulo ang mahalal na pangalawang pangulo ay mabigyan ito ng pagkakataong maisagawa niya nang maayos ang kaniyang tungkulin, lalo na pagdating sa pondo. Mahalaga ang pondo upang maisagawa ang anumang proyekto. Tutal din lamang, nahahalal ang pangalawang pangulo dahil sa boto ng taumbayan.

Sayang lamang daw ang tanggapan ng pangalawang pangulo kung hindi magiging malikhain ang uupo rito.

Ayon sa 1987 Philippine Constitution, ang mandatong katungkulan ng bise presidente ay humalili sa presidente, "in case of the death, disability, or resignation of the incumbent President."

Maaari siyang italagang miyembro ng gabinete kung itatalaga o aalukin siya ng posisyon ng presidente.

Matatandaang hindi nagtagal bilang miyembro ng gabinete ni Pangulong Rodrigo Duterte si VP Leni. Noong Hulyo 7, 2016, ipinatawag ni Duterte si Robredo upang alukin ng posisyon bilang head ng Housing and Urban Development Coordinating Council, bagay na tinanggap naman nito.

Noong Disyembre 4, 2016, sinabihan si Robredo ni Cabinet Secretary Leoncio Evasco Jr. na "to desist from attending all Cabinet meetings starting December 5" kaya agad siyang nagbitiw sa kaniyang katungkulan.

Noong Nobyembre 4, 2019, itinalaga naman ni Duterte si Robredo bilang co-chairperson ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD) na tatagal sana hanggang sa huling termino nila ngayong 2022, saad ng noon ay presidential spokesperson na si Atty. Salvador Panelo; ngunit makalipas ang 19 na araw ay sinibak ni Duterte si Robredo sa posisyon.

Sa kaso naman nina President-elect Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. at Vice President Sara Duterte, itinalaga kaagad ni PBBM si VP Sara bilang Department of Education (DepEd) Secretary.