Nagpaabot ng labis na pasasalamat ang Manila City Council, sa pangunguna ni incoming Mayor Honey Lacuna, bilang Presiding Officer nito, dahil sa hindi matatawarang serbisyo at dedikasyon ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso sa lungsod ng Maynila.

Ito ay isinagawa ng konseho sa pamamagitan ng Resolution No. 101 (Series of 2022) na kanilang ipinasa at iprinisinta kay Domagoso bilang parangal sa ‘Araw ng Maynila awarding of Outstanding Manilans’ kamakailan.

Nakasaad sa resolusyon na si Domagoso ay isang ‘true-blue Manileño’ na isinilang at pinalaki sa Tondo.Siya ay ipinagmamalaking produkto ng Manila Public Schools na nagtapos mula sa Rosauro Almario Elementary School at Tondo High School.

Binanggit din dito na sinimulan ni Domagoso ang kanyang political career noong 1998 sa edad na 23, at naging pinakabatang konsehal na naihalal sa City Council ng Maynila.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Nakasaad pa sa resolusyon na, "...Moreno served as City Councilor representing the First District of Manila for three consecutive terms, from 1998 to 2007. During his nine-year term, he espoused and advocated for ordinances which provided homes by improving the city’s land-for-the-landless program.”

Taong 2007, nang maihalal naman si Domagoso bilang Vice Mayor ng lungsod at sa panahon ng kanyang termino, pinangunahan niya ang modernisasyon ng City Council, kabilang na ang renobasyon ng Session Hall, instalasyon ng hybrid power system, at pagpapakilala sa paperless policy.

Noong 2019 naman ay nahalal siyang alkalde ng Maynila at sa loob ng tatlong taon niyang panunungkulan, ay pinaganda at muli niyang pinasigla ang lungsod, at pinatunayan sa lahat na ito ay nararapat na tawaging ‘capital of the Philippines.’

Inilunsad din niya ang mga people-centric projects na nagkakaloob ng mga in-city housing, allowances, at tax amnesties sa mga residente.

Pinaganda rin niya ang mga public spaces, parks, at recreational areas upang makapaglibang ang mga Manilenyo nang hindi na kailangang lumayo at gumastos ng malaki.

Isinulong rin niya ang quick at responsive government action sa ilalim ng kanyang slogan na “Bilis Kilos”.Makikita ito sa panahon ng kalamidad at mga disaster.

Isa naman sa ipinagmamalaking accomplishments ni Domagoso ay ang kanyang naging tugon at mga programa sa panahon ng COVID-19 pandemic.

Matatandaang tiniyak ng alkalde na ang bawat pamilya ay tumatanggap ng cash at food assistance upang matulungan silang malampasan ang matinding pagsubok at hamon na dulot ng pandemya.

Bumili rin siya ng mga gamot laban sa COVID-19 na ginawang available hindi lamang para sa mga Manilenyo, kundi sa lahat ng taong nangangailangan nito.

Ipinag-utos rin niya ang pagtatayo ng mga vaccination sites sa mga pagamutan, mga paaralan, health centers, at malls, para sa mabilis na pagpapabakuna sa mga mamamayan laban sa COVID-19.Bukod pa dito ang mga drive-thru vaccination sites para sa delivery riders, mga two-wheeled at four-wheeled vehicles, na nag-ooperate ng 24/7 o 24-oras araw-araw.

Sa loob lamang naman ng 52-araw, nagpatayo rin si Domagoso ng Manila Covid-19 Field Hospital na may 344-bed capacity na bukas para sa lahat, at napakinabangan ito ng husto noong magkaroon ng surge ng COVID-19 sa bansa.

Ang mga naturang proyekto at programa ni Domagoso ay kinilala, hindi lamang sa Maynila, kundi maging sa iba’t ibang lugar.

Naging dahilan ito upang tumanggap siya ng Gusi Peace Prize na ipinagkaloob sa kanya noong 2019 para sa paglikha ng positibong pagbabago.

Si Domagoso rin ang naging first-ever awardee ng Harvard Business School (HBS) OPM Club of the Philippines bilang “Gamechanger in Politics”.

Noong 2020, kinilala siya bilang ‘Man of the Year’ ng Asia Leaders Award dahil sa kanyang exemplary leadership.

Maging ang City Government ay umani rin ng maraming pagkilala sa ilalim ng kanyang pamumuno.

Sa kauna-unahang pagkakataon, ang Maynila ay ginawaran ng Seal of Good Financial Housekeeping noong 2019 ng Department of Interior and Local Government habang noong 2021 naman, idineklara ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) ang lungsod bilang most business-friendly Local Government Unit.

“It cannot be denied that Mayor Isko has been an empathetic, compassionate and visionary leader for the City of Manila. His determination and tenacity as a young City Councilor, Vice Mayor and Mayor will be etched in the history of Manila and his dedication and selflessness will be remembered by each Manileño for years to come,” anang resolusyon.

“The Manila City Council resolved to express, as it hereby expresses, profound gratitude to the unparalleled service and dedication of Honorable Mayor, Francisco “Isko Moreno” Domagoso to the City of Manila," dagdag pa nito.

Nabatid na ang naturang resolusyon ay ipinasa sa isang sesyon noong Hunyo 13, 2022, na pinangunahan nina Councilor at lawyer Ernesto Isip, Jr., President Pro-Tempore at Acting Presiding Officer at in-attest naman ni Luch Gempis, Jr., Secretary to the City Council.