Ibinahagi ni outgoing Vice President Leni Robredo sa kaniyang Facebook page ngayong Hunyo 26, na huling episode na ng kaniyang radio program na "BISErbisyong LENI" na umeere sa RMN.
"Last episode of Biserbisyong Leni today. It was a good run. We never expected to last for 5 years and we did!! Thank you, Ka Ely and RMN," pasasalamat ni outgoing VP Leni.
"Looking back at how we started. Haha. This was when we were shooting for our pub mats. Sobrang yagit! Thank you, Jopau, Aica, Chari, Marvin, Patrick, Jose, Tin," aniya pa.
Natanong din si VP Leni kung ano-ano ba ang mga natutuhan niya sa pagiging bise presidente ng bansa sa loob ng anim na taon. Aniya, talagang ang espesipikong tungkulin ng isang VP ay walang klarong mandato sa Saligang-Batas kundi "ceremonial" lamang.
Inisa-isa ni VP Leni ang mga nagawa ng OVP sa loob ng anim na taon sa kabila ng maliit na pondo.
"Mas gugustuhin namin mas madali, mas gugustuhin namin na 'pag kailangan ng tulong ng opisina namin ay tutulungan kami. Pero dahil hindi kami tinuring na kakampi, hindi kami tinuring na bahagi ng pamahalaan… natuto kami. Natuto kaming maghanap ng paraan. To my mind, 'yun ang nagpahusay sa amin kasi 'pag mahirap nagiging mahusay ka. 'Pag mahirap, naghahanap ka ng paraan," ani outgoing VP Leni.
Nilayon daw talaga ng OVP na makakuha ng "unqualified opinion" status mula sa Commission on Audit o COA, bagay na nakamit naman nila. Naniniwala umano si Robredo na ang ikatatagumpay ng isang programa ay kung may tiwala ang mga tao na hindi ito pagmumulan ng katiwalian.
Nararapat na rin daw silipin ang pagkakaroon ng espesipikong mandato ng bise presidente sa Konstitusyon.
"Sayang... kung hindi ka masyadong creative, sayang yung opisina," aniya.
Samantala, humingi naman siya ng permiso sa mga nagbigay ng mahigit 900 paintings sa kaniya noong kampanya na isasama ang mga ito sa fund-raising event para sa Angat Buhay NGO na ilulunsad sa Hulyo 1.