Idineklara na ng Vatican ang National Shrine of Our Lady of Peace and Good Voyage sa Antipolo City bilang kauna-unahang international shrine sa Pilipinas.

Sa isang paskil sa website ng Catholic Bishops' Conference of the Philippines (CBCP) nitong Linggo, nabatid na mismong si Antipolo Bishop Francisco de Leon ang nag-anunsiyo ng magandang balita sa isang banal na misa para sa pagdiriwang ng ika-39 anibersaryo ng pagkakatatag ng Diocese ng Antipolo noong Sabado, Hunyo 25.

Ayon kay de Leon, inaprubahan ng Vatican ang kanilang petisyon na pagkalooban ang naturang shrine, na siya cathedral ng diocese, ng naturang pribilehiyo.

“We received a letter from Rome saying that on June 18, our national shrine will be recognized as an international shrine,” ani de Leon.

National

#WalangPasok: Klase sa ilang mga lugar sa bansa, suspendido sa Nov. 11, 2024

Sa ngayon aniya ay inaantabayanan na lamang ng diocese ang kopya ng opisyal na deklarasyon ng Vatican hinggil dito.

Nabatid na ang Antipolo Cathedral ang magiging ikatlong international shrine sa Asya.

Una nang idineklara ng Vatican na maging international shrine ang St. Thomas Church Malayattoor sa India at ang Haemi Martyrdom Holy Ground at Seoul Pilgrimage Routes sa South Korea.

Ayon sa CBCP, ang cathedral din ang magiging kauna-unahang Marian international shrine sa Asya at ikaanim naman sa buong mundo.

Napag-alaman na ang Simbahang Katolika ay mayroong tatlong uri ng shrines, kabilang ang diocesan shrines, na inaaprubahan ng local bishop; national shrines na kinikilala ng bishops’ conference; at ang international shrines na iniendorso naman ng Vatican.

Ayon naman sa Catholic News Agency, ang international shrines ay kinabibilangan ng mga historic locations gaya ng Jerusalem at Rome, sites ng mga approved Marian apparitions, gaya ng Lourdes at Fatima, at mga lugar na associated sa mga santo, gaya ng Assisi at Lisieux.