Umabot na sa 113 ang reklamo ukol sa vote-buying ang natanggap ng Commission on Elections (Comelec), at 17 dito na may kinalaman sa umano'y pagbili at pagbebenta ng boto ay nakatakdang sumailalim sa paunang imbestigasyon
Sinabi ni acting Comelec spokesperson John Rex Laudiangco na dumaan sa Law Department ang verified complaint-affidavits.
"The prescription period for election offenses is five years from the date of commission so complaints can still be filed," aniya sa isang pahayag.
Dagdag pa ng tumatayong tagapagsalita ng poll body, lahat maliban sa isa sa mga kaso para sa preliminary investigation ay isasagawa sa field offices upang hindi makaabala sa mga partido habang ang isa ay sa Law Department sa Intramuros, Manila central office.
Sinabi rin ni Laudiangco na naaksyunan o nasagot na ng Comelec ang lahat ng ito.
Samantala, bubuksan naman ng komisyon ang pagpapatala upang makaboto sa susunod na buwan
Sinabi ni Laudiangco na isasagawa nila ang voter registration simula sa Hulyo 4 hanggang 23.
“Approval of the Resumption of Continuing Voter’s Registration from July 4-23, 2022. Resolution to be formally promulgated,” ani Laudiangco, sa mensahe sa mga mamamahayag.
Matatandaang ang susunod na halalan na idaraos sa bansa ay ang Barangay at Sangguniang Kabataan elections na nakatakda sa Disyembre 5.
Ani Laudiangco, wala pang isang buwan ang itatagal ng rehistruhan, alinsunod na rin sa Republic Act (RA) No. 8189 o ang Continuing Voter’s Registration Act.
“Under RA 8189, voter registration is prohibited within 120 days prior to elections,” paliwanag ni Laudiangco.