Patuloy pa ring susuportahan ng TV host na si Robi Domingo ang kaniyang 'future ninang' na si outgoing Vice President Leni Robredo sa susunod na 'kabanata.'
Dumalo si Robi sa 'Pasasalamat at Salu-Salo' na inihandog nina Robredo at outgoing Senador Kiko Pangilinan para sa kanilang volunteer artists noong kampanya. Aniya, nagpapasalamat siya dahil naalala niya kung bakit siya tumaya umano para sa bayan.
"Tapos na ang pagtangis. Patuloy ang pagmamahal sa bayan. Sa lahat ng bumuo ng pagtitipon na ’to, maraming salamat dahil pinaalala niyo kung bakit ako tumaya, at patuloy na tataya," sey ni Robi sa kaniyang tweet nitong Biyernes, Hunyo 24.
"Ma’am Leni, my future ninang (naks), asahan niyo ang aking suporta sa susunod na kabanata," dagdag pa niya.
Kapag natapos na ang termino ni Robredo sa Hunyo 30, ilulunsad niya ang Angat Buhay NGO na hango mula sa isa sa mga legasiya ng Office of the Vice President (OVP) sa kaniyang panunungkulan bilang pangalawang pangulo ng bansa, ang ‘Angat Buhay Program’.
Magsisimula na raw ito sa Hulyo 1, 2022 at walang pipiliing tutulungan, anoman ang kulay na sinusuportahan ng mga magiging recipient.
Si Robi ang isa sa mga artistang nag-volunteer noong panahon ng kampanya para sa kandidatura nina Robredo at Pangilinan.
Samantala, dumalo rin sa nasabing thanksgiving sina Gab, Valenciano, Alora Sasam, Agot Isidro, John Lapuz, Edu Manzano, Cherry Pie Picache, Janno Gibbs, Mylene Dizon, Jake Ejercito, Noel Ferrer, Chino Liu aka Krissy Achino, Nikki Valdez, Nica del Rosario, at iba pa.